CAVITE – ILANG oras matapos isugod sa pribadong pagamutan, binawian ng buhay ang isang staff ni Cavite 1st District Cong. Jolo Revilla nang masangkot sa vehicular accident.
Kinilala ang biktima na si Rey Barotilla Arevalo, 34-anyos, may asawa at residente ng Camia St., Green Valley, Molino II, Bacoor, Cavite.
Ayon sa pulisya, naganap ang aksidente sa main road ng Brgy. Rafael IV nitong Martes dakong alas-8:10 ng gabi kung saan pauwi na ang biktima mula sa isang aktibidad sa Cavite City dala ang minamanehong motorsiklo na Mio Gear na may plakang D122FC.
Sa hindi inaasahan, nasakop ng biktima ang kabilang linya ng kalsada at aksidente itong sumalpok sa parating na kulay puting sasakyan na Isuzu Van na may plakang NFL 3644 na minamaneho ni Edwin Tabano Janea, 48-anyos, residente ng Blk. 61, Lot 6A, Lapaz Homes, Brgy. Cabezas, Trece Martirez City.
Agad sinugod sa Divine Grace Hospital ang biktima subalit idineklarang patay ganap na alas-4 ng madaling araw.
Sa mensahe ni Revilla, sinabi nito ang magandang katangian ni Arevalo, “Si Rey ay isa sa mga pinakauna kong staff noong ako ay nagsimula sa pulitika bilang Kapitan ng Barangay. Mula noon hanggang ngayon, hindi ako iniwan niyan. Madalas ko siyang kabiruan at madalas ko ding napagsasabihan na ayusin ang kanyang buhay dahil pamilyado na siya. Lahat ay kaya niyang gawin sa trabaho ay ginagawa niya ng buong husay at galing. Maaasahan sa anumang oras at kahit anong trabaho ay hindi niya pinapabayaan. Tawag ko nga sa kanya Rey Areglado dahil talagang 100% sure na tapos at successful ang trabaho basta siya na ang gumawa”.
“Si Rey ay isa sa mga mahuhusay kong Legislative Staff, mula pa noong nasa Sangguniang Panlalawigan ng Cavite pa ako hanggang ngayon sa Kongreso. Magaling na researcher at manunulat”, dagdag pa ni Revilla.
Nahaharap sa kasong Reckless Infrudence Resulting to Homicide and Damage to Property ang suspek.
SID SAMANIEGO