STAKEHOLDERS PAG-AARALAN ANG KONSOLIDASYON NG MGA ARI-ARIAN NG MGA MAGSASAKA

HANDA  ang mga negosyante at mga stakeholder na tanggapin ang hamon sa mga payo ng kilalang ekonomistang si Bernardo Villegas sa pagpapalakas sa ekonomiya ng bansa lalo na sa sektor ng agrikultura para sa “food security “ ng Pilipinas.

Bukod dito ay ang pag-aralan ang “smallholder consolidation scheme“ na kung saan ang mga ari-arian ng mga magsasaka ay maaaring pagsama-samahin ng mga nasa industriya o sila mismo ay gawing may ari ng kompanya at gawing paraan upang palakasin ang produksyon ng agrikultura na magpapaunlad ng kanilang kabuhayan at ng Pilipinas maging sa mga lalawigan.

“His (Villegas) ideas were laid on the table. It’s just a matter of getting the individual members in these industries to address, or rise up to the challenge inspired by Dr. Villegas,” ayon kay Rafael Alunan, Pangulo ng Rotary Club of Manila sa isang panayam matapos ang diyalogo ng grupo kay Villegas sa Manila Polo Club.

Si Villegas ay inimbitahan ng grupo kamakailan na kinabibilangan ng mga malalaking negosyante mula sa iba’t ibang industriya, mga dating diplomat at opisyal ng gobyerno, academics, at expats, upang malaman ang kasalukuyang estado ng ekonomiya ng bansa.

Sa kasalukuyan, ang Pilipinas ay unti unting bumubuti ang lagay ng ekonomiya ayon kay Villegas batay sa paglago ng GDP at 6 percent bunga umano ng remittances ng mga OFW at paglakas ng industriya ng BPO. Subalit sinabi ni Alunan na ito ay hindi sapat upang maituring na middle income ang bansa na sa kasalukuyan ay itinuturing na low income economy pa rin sa ngayon.

Kailangan umano na ito ay umabot man lang sa 8 to 9 percent ang GDP sa tulong ng ibang sektor upang maituring na lumago o naging middle income to high income economy.

Bukod sa ibang hakbang tulad ng pagpapaunlad ng mga impraestruktura, paglagay ng efficient railway system sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas, pagpapalakas ng telecommunication at internet system, turismo, at iba pang hakbang sa ekonomiya, iginiit ni Villegas na ang “smallholder consolidation scheme” ay isang daan upang mas mapaunlad ang lagay ng mga magsasaka at ekonomiya ng bansa.

Sa ilalim ng “smallholder consolidated scheme”, ibinigay ni Villegas bilang halimbawa ang isinagawa ng pamahalaan sa Malaysia kung saan ipinaupa ng mga maliliit na magsasaka ang kanilang mga lupain sa malalaking kompanya o mga kooperatiba na may kakayahan ng malakihang produksyon sa agrikultura.Tiniyak ng pamahalaan na kikita ang mga magsasaka at protektado sila sa ganitong sistema.

Ayon kay Villegas, nag-ugat ang mas masidhing paghihirap ng mga magsasaka sa land reform program, kung saan matapos silang mabahaginan ng kaunting lupaing masasaka, sila ay iniwan sa sarili nilang pagsisikap na magsaka na walang sapat na tulong upang mapalakas ang kanilang produksyon sa agrikultura. Dahil sa paghihirap ang ilang magsasaka ay nagsitigil sa kanilang pagtatanim at pag-aani o nag- iba ng magiging hanapbuhay na kung saan ang food security ng bansa ay nanganib.

Kung kaya maraming produktong pang agrikultura ang kinakailangan pang iangkat ng Pilipinas mula sa ibang bansa para tumugon sa pangangailangan na pagkain ng lumalaking populasyon ng Pilipinas.

“Now that we have millions of hectares in the hands of small farmers, we have to find ways of re-consolidating those farms without taking away their ownership,” ayon kay Villegas.

Inihalintulad ni Villegas ang ginawa ng Taiwan kung saan napalakas ang produksyon ng asukal dahil sa paggamit ng mga makinaryang ang may kakayahan lang ay malalaking kompanya.

Sa coconut industry, ipinahayag ni Villegas na nangangailangan ito ng malakihang produksyon upang makagawa ng de kalidad na mga produktong tulad ng coconut milk na mataas ang halaga kumpara sa mura lamang na halaga ng copra at coconut oil.

Ayon kay Villegas kung may malalaking kompanya lalo na sa Mindanao na makakagawa ng mga “in demand” na produktong tulad ng palm oil, coconut milk, coconut sugar, shredded coconut, Virgin Coconut Oil, coco jam at iba pa, marami pa umanong uri ng produksyong agrikultura ang Pilipinas na maaring gawin upang mapaunlad ang production kung ma ioorganisa ng maayos ang mga magsasaka bilang isang kompanya at maglikha ng iba’t ibang produkto na “high value products tulad ng ginawa ng Lion Heart Farm and Cardinal Agri Pdocus sa Brookes Point, Palawan.

“We will probably be opening up our doors to investments in this area,” giit ni Alunan.

Dagdag pa nito, maaring ang mga kasapi ng kanilang Club ay gumamit ng kanilang impluwensya sa mga nasa industriya ng agrikultura upang pag-aralan at maisagawa ang konsepto ng ng “smallholder consolidation scheme” ayon sa payo ni Villegas.
LUISA GARCIA