SA LAYUNING higit na maproteksiyunan ang interes ng Filipino consumers, inihain ni Senador Christopher “Bong” Go ang Senate Bill No. 1785 na nagtatakda ng paggamit ng standardized date labels sa consumer products.
Sa explanatory note ng kanyang proposed bill, sinabi ni Go na karamihan sa food at drug products na kinokonsumo ng mga Pinoy ay hindi naka-package na may standard labels.
Bukod dito, ang mga umiiral na measures ay hindi sapat para magkaloob ng uniform o standard format sa kung paano ipiprisinta ang food labels sa food packaging.
“Hence, it is appropriate to distinctly provide when the product was manufactured, when it becomes unsafe to consume, and when it is at peak quality,” sabi no Go.
Ipinapanukala sa SBN 1785, na mag-aamyenda sa Republic Act No. 7394 o ang Consumer Act of the Philippines, ang pagkakaloob ng standard printed display na ginagamitan ng mga phrase tulad ng “manufacturing date,” “expiration date,” at kung naaangkop, ang “best before date” sa consumer at drug products.
Gayundin, layon ng panukala na ipagbawal ang paggamit ng iba pang phrases tulad ng “use-by,” “consume before,” at “best if used by.”
“The text of the date must be printed in single easy-to-read type style using upper and lower-case letters in the standard form,” nakasaad pa sa panukala.
Sa ilalim ng panukala, “the text of the date must also be located in a conspicuous place on the packaging of the product and printed clearly and legibly on the label in the following order: month, day, and year.”
Para maiwasan ang kalituhan, ang araw at taon ay dapat isulat sa figures habang ang buwan ay sa words.
Kapag naisabatas, ang lahat ng consumer products na hindi sumunod sa date label requirements ay hindi ibebento o ipamamahagi sa merkado pagsapit ng January 2024.
Sinabi ni Go na ang standardized date labels sa consumer products ay makatutulong para matiyak na ang mga produkto ay ligtas na ikonsumo at hindi pa expired.
“Consuming expired or spoiled products can lead to serious health problems. Therefore, standardized date labels help consumers to identify products that are no longer safe to eat and discard them before they can cause harm,” sabi ni Go.
“Additionally, the use of a standardized format for date labels makes it easier for consumers to understand and interpret the information,” dagdag pa niya.