MATAPOS ang FIBA World Cup draw, pansamantalang inilipat ng Gilas Pilipinas ang kanilang atensiyon sa 2023 Southeast Asian Games kung saan sisikapin ng Nationals na mabawi ang dominasyon simula sa May 9 sa Phnom Penh, Cambodia.
Pinangungunahan ni Christian Standhardinger, ang Best Player sa katatapos na PBA Governors’ Cup, ang 10 PBA players na sumama sa Gilas camp sa Inspire Sports Academy sa Calamba, Laguna.
Ang iba ay sina CJ Perez, Marcio Lassiter at Chris Ross ng San Miguel Beer, Calvin Oftana ng TNT, Chris Newsome at Aaron Black ng Meralco, Jeremiah Gray ng Barangay Ginebra, Brandon Ganuelas Rosser ng NLEX at Arvin Tolentino ng NorthPort.
Nasa camp din si resident Ginebra import at ngayo’y Gilas naturalized player Justine Brownlee, kasama sina Mason Amos, Jerom Lastimosa at Michael at Ben Phillips.
Sa kasalukuyan ay hindi available sina June Mar Fajardo, Japeth Aguilar, Jamie Malonzo, Mikey Williams at Scottie Thompson.
Isusumite ng Gilas ang final 12-man lineup para sa Cambodia joust sa technical committee meeting sa May 7.
Subalit sinuman ang mapabilang sa lineup ay nangako si coach Chot Reyes na babawiin ang korona na nawala sa Hanoi noong nakaraang taon.
Sisimulan ng Gilas Redeem Team ang kanilang SEAG campaign sa May 9 kontra Malaysia sa Pool A.
Susunod na makakaharap ng tropa ni Reyes ang Cambodia (May 11) at Singapore (May 13) na itinuturing na magaan na grupo sa eight-day hostilities.
Ang Indonesians ay nasa Pool B kasama ang bronze medalist Thailand, fourth placer Vietnam at Laos.
Ang top two squads sa bawat bracket ay aabante sa semifinals sa May 15 at ang medal rounds ay idaraos sa susunod na araw.