NAAGAW ni Christian Standhardinger ang top spot sa karera para sa PBA Philippine Cup Best Player of the Conference (BPC).
Pinatalsik ng Barangay Ginebra big man si June Mar Fajardo ng San Miguel sa no. 1 makaraang makalikom ng average na 38.0 statistical points (SPs) sa pagtatapos ng elimination round noong Linggo.
Ang Fil-German ay nagrehistro ng impresibong numero na 17.3 points, 9.6 rebounds, 5.3 assists, at 1.2 steals sa 11 games sa third-seeded Kings.
Si Standhardinger ay pumapangalawa kay Fajardo sa BPC race sa kalagitnaan ng eliminations.
Subalit dahil sa tinamong fractured left hand, ang 6-foot-10 at seven-time MVP na si Fajardo ay hindi nakapaglaro ng anim na linggo dahilan para mawala siya sa latest statistical race na inilabas ng liga noong Martes.
Pumapangalawa kay Standhardinger – ang BPC winner noong nakaraang taon sa Governors’ Cup – para sa pinakamataas na individual award sina CJ Perez na may 35.2 SPs (16.5 points, 7.1 rebounds, 3.8 assists), kasunod sina Arvin Tolentino na may 35.1 SPs (conference-best 22.4 points at 5.7 rebounds), at Calvin Oftana na may 35.0 SPs (21.9 points at 6.6 rebounds).
Kinumpleto ni Scottie Thompson ng Barangay Ginebra ang Top 5 list na may 32.5 SPs (11.0 points, 6.0 rebounds, at 7.6 assists).
Isang Barangay Ginebra player, dalawa mula sa Magnolia, at tig-isa mula sa Meralco at Phoenix ang bumubuo sa susunod na limang puwesto. Kontender din si Maverick Ahanmisi para sa BPC award sa kanyang unang season sa Kings, sa pag-okupa sa sixth spot na may 31.3 SPs (14.4 points, 6.5 rebounds, at 4.1 assists), kasunod ang Hotshots duo nina Jio Jalalon (12.1 points, 5.2 rebounds, at 5.5 assists), at Mark Barroca (13.8 points at 5.1 assists) na may 31.2 at 29.2 SPs, ayon sa pagkakasunod.
Nasa ninth spot si Chris Newsome ng Meralco (13.4 points, 4.3 rebounds, 4.0 assists) na may 28.4 SPs, at no. 10 si Jason Perkins (13.2 points, 6.2 rebounds) ng Phoenix na may 27.33 SPs.
Samantala, nangunguna para sa Best Import Award ang pares ng replacement.
Nasa no. 1 si Rahlir Hollis-Jefferson ng TNT na may 67.5 SPs sa dalawang laro makaraang palitan ang kanyang kapatid na si Rondae Hollis-Jefferson. Nangunguna siya sa imports sa scoring na may 42.5 points, habang nagdagdag ng 12.5 rebounds, 7.5 assists, at 2.5 steals.
Pumapangalawa si San Miguel’s Bennie Boatwright, na pumalit kay Ivan Aska, na may 67.3 SPs sa likod ng averages na 40.3 points at 13.3 rebounds.
Isa pang replacement sa katauhan ni Shonn Miller (27.0 points at 17.3 rebounds) ng Meralco ang nasa third place na may 55.0 SPs, sumusunod si Jonathan Williams (27.0 points, 15. 6 rebounds, at 5.5 assists) ng Phoenix na may 53.6 SPs.
Samantala, sina Stephen Holt (12.2 points, 5.4 rebounds, at 4.5 assists) ng Terrafirma at Cade Flores ng NorthPort (9.0 points at 6.9 rebounds) ang 1-2 sa hanay ng rookies na may 24.0 at 23.3 SPs, ayon sa pagkakasunod.