STANDHARDINGER VS PEREZ SA PBA BEST PLAYER AWARD

MAHIGPIT na naglalaban sina Christian Standhardinger ng Barangay Ginebra at CJ Perez ng San Miguel sa karera para sa Best Player of the Conference award sa PBA Commissioner’s Cup.

Napanatili ni Standhardinger ang No. 1 spot sa statistical points (SPs) ranking matapos ang semifinals na may average na 35.7 SPs makaraang makalikom ng 16.5 points, 9.9 rebounds, at 5 assists sa 15 games.

Nakabuntot si Perez kay Standhardinger na may average na 35.5 SPs matapos na makakolekta ng 16.4 points, 6.8 rebounds, 3.9 assists, at  1.9 steals sa 15 games.

Target ni Standhardinger ang kanyang ikatlong BPC plum habang asam ni Perez ang kanyang una.

Bagama’t nalimitahan siya sa 13.3 points na may 11 rebounds at 3.3 assists sa semifinals makaraang walisin ang Gin Kings ng Beermen ni Perez, pinatunayan ni Standhardinger ang kanyang pagiging isang all-around player.

Tinapos ni Standhardinger ang conference bilang best local scorer at rebounder para sa Ginebra at ranked second sa koponan sa assists sa likod ni Scottie Thompson.

Samantala, pinamunuan ni Perez ang San Miguel sa eliminations nang magtamo si seven-time MVP June Mar Fajardo ng knee injury at gumanap ng key role sa playoffs upang dalhin ang Beermen sa finals.

Si Perez ay may average na 18 points, 7 rebounds, 3 assists, at 1.7 steals at ipinalasap ng Beermen sa Gin Kings ang kanilang unang sweep loss sa isang best-of-five series magmula noong 2013.

Nasa ikatlong puwesto si NorthPort’s Arvin Tolentino na may 35.1 SPs makaraang pangunahan ang lahat ng local scorers na may 22.4 points bukod sa 5.7 rebounds, 2.4 assists, at 1.9 steals.

Kinumpleto nina Calvin Oftana (34.1 SPs) ng TNT at Scottie Thompson (31 SPs) ng Ginebra ang top five.

Samantala, bumabandera si San Miguel’s Bennie Boatwright sa Best Import award na may 60.3 SPs at averages na 35.6 points, 12 rebounds, 3.4 assists, at 1 block papasok sa finals. Gayunman, si Boatwright ay naglaro lamang ng 7 games makaraang palitan si Beermen import Ivan Aska.

Pumangalawa si Johnathan Williams III ng Phoenix na may 50.7 SPs mula sa 24.5 points, 16.4 rebounds, 5.2 assists, at 1.6 blocks kung saan pinangunahan niya ang Fuel Masters sa kanilang unang semifinal appearance sa isang import conference.

Lumalaban din si Tyler Bey ng Magnolia para sa Best Import plum makaraang pangunahan ang  Hotshots sa  finals, na may averages na 26.9 points, 13.9 rebounds, 2.3 steals, at 1.3 blocks para sa 50.6 SPs.

Ang mga awardee ay iaanunsiyo bago ang Game 4 ng Commissioner’s Cup finals sa February 9 sa Araneta Coliseum.

CLYDE MARIANO