ALINSUNOD na rin sa mga ebidensiyang nakalap ng Bureau of Fire Protection (BFP), malaki ang posilidad na sinadyang sunugin ang Star City.
Tinukoy ni Pasay City Fire Marshal Paul Pili, arson ang nakikita nilang dahilan ng pagkaabo ng malaking bahagi ng Star City na kung saan ay may mga nakitang bakas ng gasolina sa maraming parte ng amusement park.
Gayundin, aniya, bukod sa gasolina, lalo pang nagkaroon ng hinala dahil may pinasok daw na bulto ng mga bulak sa establisimyento noong hapon bago mangyari ang sunog.
Sinasabing isang “Mr. Wong” umano ang nagpasok ng mga bulak kasama ang ilang tauhan pero hindi sila nagpalista sa logbook.
“Bakit hindi nag-logbook? Nag-logbook siya pero hindi niya ni-logbook mga kasama niya,” ani Pili.
Dahil dito, posible umanong madawit ang mismong Star City at sadyang sinunog ang kanilang negosyo.
Gayunpaman, plano ng Pasay fire department na hingin ang mga rekord ng Star City at maging ang testimonya ng kanilang mga opisyal.
“We will look into it kung sila ba ay nalulugi o hindi. Doon makikita ‘yung motibo kasi mahirap i-pinpoint kung sino nagsunog,” giit ni Pili.
Kaugnay nito, iginiit ng pamunuan ng Star City na iwasang maglabas ng ispekulasyon na arson o sinadya ang sumiklab na sunog sa nasabing lugar,
Ayon sa Star City, hindi muna dapat ideklarang arson ang dahilan ng sunog hangga’t hindi pa tapos ang isinasagawang imbestigasyon at handa raw silang ipresenta ang mga dokumentong hihingin ng mga awtoridad.
Kasama ang ilang kawani ng media, nagsagawa ng inspeksyon ang BFP sa nasunog na bahagi ng Star City kahapon ng umaga.