STAR PLAYERS NG UP MAGLALARO SA NUEVA ECIJA RICE VANGUARDS

Charles Tiu

HINDI  na maglalaro sa University of the Philippines sa susunod na UAAP season ang magkapatid na Juan at Javi Gomez de Liaño, ito ay matapos ianunsiyo ng Nueva Ecija Rice Vanguards na maglalaro na para sa kanilang team ang dalawa.

Ayon kay Charles Tiu, head coach ng Rice Vanguards, ang pagkuha sa GDL brothers ay bahagi ng serye na pagkuha ng mga manlalaro, kasunod pa rin ng pangako ng team owner sa mga Novo Ecijano na pipilitin nilang magkaroon ng contender team para sa susunod na season ng Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL).

Hindi rin magi­ging isyu ang chemistry sa magkapatid dahil hinawakan na ang mga ito ni coach Tiu sa Mighty Sports Philippine team na nagwagi sa katatapos lamang na 2020 Dubai International Basketball Championship.

Bukod naman sa GDL brothers, nakuha rin ng Rice Vanguards and isang Novo Ecijano at dating PBA player na si Renz Palma, na dating naglaro para sa koponan ng Alaska. Kilalang high leaper, isa si Palma sa isa sa pinakamagagaling na 2-3 players noong siya ay naglalaro sa UAAP at PBA.

Ayon pa kay Tiu, makakasama ni Juan ang  veteran guard na si Jai Reyes, kaya tiyak daw na ang kanilang koponan ang isa sa pinakamalakas na point guard tandem sa susunod na season ng MPBL.

Magdadagdag naman ng opensa si Javi na kilala na isa sa pinakamaga­ling na shooting guard sa UAAP. Magdadagdag din ito ng athleticisim at depensa sa koponan ng Nueva Ecija.

Kamakailan lamang ay inanunsiyo ni Palayan City Mayor Rianne Cuevas, na magpapagawa sila ng isang makabagong sports arena sa naturang lungsod na siya namang magsisilbing home court ng Rice Vanguards.

“Its about time that Nueva Ecija has its own arena to host tournaments like the MPBL and at the same time showcase the beauty of our province to cities and provinces who will play in our sports Arena. At the same time, our thousand of basketball fans will not have to travel 5 hours to watch games of our home team the Rice Vanguards,”  ayon pa  kay Mayor Cuevas.

Comments are closed.