SA loob ng maraming taon, nagtitiis ang maraming Pilipino sa mabagal na internet connection. Kahit na dumating na ang teknolohiya ng fiber optic sa atin, nahaharap pa rin ang marami sa atin sa putol-putol na internet connection. Malaking hadlang ito lalo na sa panahong marami sa atin ang work-from-home at maraming estudyante rin ang may mga online classes.
May natatanaw na kaunting liwanag sa pagpasok ng Starlink sa Pilipinas. Ilang araw ang nakararaan ay nabigyan ng National Telecommunications Commission (NTC) ng Certificate of Registration (COR) ang pribadong aerospace company ni Elon Musk na SpaceX. Ito ay aprubado bilang Value-Added Service (VAS) provider. Kilala ang negosyo sa pangalang “Starlink Internet Services Philippines, Inc.”
Ang lisensiyang ito ay nagpapahintulot sa Starlink upang magbigay ng Internet Access Service sa pamamagitan ng Satellite Service hanggang Abril 2023. Kasama sa pahintulot ang paggamit ng internet service spectrum at pagtatayo at pagpapatakbo ng broadband facilities. Ang satellite internet ay bago sa bansa dahil gamit natin dito ay ang fixed line broadband at fiber optic technology mula sa mga nangungunang kompanya.
Ayon naman sa Department of Trade and Industry (DTI), unang bansa sa Southeast Asia ang Pilipinas na mayroong serbisyo ng Starlink. Ito rin ay nagbibigay daan upang makaabot ang SpaceX sa iba pang bansa dito sa Southeast Asia.
Ayon pa rin sa abogado ng SpaceX dito, ang lisensiya ay naibigay sa loob ng tatlumpung minuto lamang mula nang maisumite ang mga requirements. Ang mabilis na pag-process ay isinagawa upang makapagbigay ng serbisyo ang kumpanya sa bansa sa lalong madaling panahon. Malaki rin umano ang tulong nito sa disaster response. (Itutuloy…)