(Pagpapatuloy…)
Nitong Lunes ay naisulat ko ang tungkol sa pagkakagawad ng lisensiya sa Starlink ni Elon Musk upang ang kompanya niya ay makapagbigay ng satellite internet service sa bansa. Ang susunod na hakbang na gagawin ng Starlink ngayon ay ang pagtatayo ng tinatawag na terrestrial gateways upang makakabit sa mga low-earth orbit (LEO) satellites ng SpaceX.
Batay na rin sa pangalan, ang mga LEO na ito ay malapit sa daigdig, kaya’t mas madaling maka-access ng mabilis na internet connection ang maraming lugar sa iba”t-ibang dako ng mundo. Bagay na bagay ito para sa mga liblib na lugar at mga rehiyong wala o kulang sa serbisyo. Nagsimula na umano ang pakikipag-usap sa local government unit (LGU) ng Bataan tungkol sa pagtatayo ng pasilidad sa naturang probinsiya.
Kapag handa na ang impraestruktura, inaasahang makapagbibigay ng mabilis na koneksiyon sa internet ang Starlink—nasa 100 hanggang 200 Mbps umano ang download speed. Pero siyempre, di naman mawawala ang aberya at pagbagal/pagkawala ng serbisyo dala na rin ng nagbabagong sitwasyon sa kapaligiran at dami ng gumagamit. Mas mahal din ang bayad buwan-buwan para sa satellite internet kumpara sa regular fees sa broadband o fiber optic. Kailangan ding bilhin ng kostumer ang receiver at bayaran ang shipping fee para rito.
Sa mismong lugar ay kailangang may espasyo para maikabit ang satellite receiver, kaya’t konsiderasyon din ang puwesto na tinitirhan o pinagtatrabahuhan.
Sa kabuuan, mainam na kilatisin muna kung angkop ba ang satellite internet connection para sa iyong pangangailangan.