TANONG: Doc Benj, nagsisimula na po ang aking business, ano-ano po ang dapat kong isaisip at medyo masabi ko pong may future ang business ko?
Sagot: Kung ikaw ay nag-umpisa ng negosyo mo, iyan ay magandang panimula na ng iyong pag-asenso. Congratulations! Subalit, hindi porke’t may negosyo ka na ay tuloy-tuloy na, dahil ito ay talang pinagsusumikapan pa muna, kailangan ng masusing pagbabantay at baka kailangan pang baguhin o mag-restrategize. Maganda ang katanungan mo at narito ang ilang puntos na magiging gabay mo kung talaga bang may magandang kahahantungan ang iyong negosyo.
- Business Model – Unawain mong mabuti ang iyong proseso kung paano ka talaga kikita, paano mo maihahatid ang produkto o serbisyo sa customers. Magandang senyales ng maganda ang kinabukasan mo kung ang model ng iyong negosyo ay hindi nakokopya ng iba, mayroon kang mga innovation at sa mga bahagi ng proseso mo ay ikaw ang may control at may mga pagkakataon kang ma-improve para mapababa ang gastos mo at mapalaki ang kita mo. Dapat maliwanag na sa business model mo pa lang ay magiging maayos ang lahat at may nakikita kang pagkakataong kumita.
- Captured Market – Kailangang masiguro mo na mayroon kang mga customer na siguradong bibili sa ‘yo at mabibilang mo ito at malaman mo kung kulang ang customers mo at kailangang maghanap ng karagdagang bibili para masustina ang iyong sales at may pambayad ka sa mga gastusin. Mahalagang malaman ang captured (saklaw o nakuha) mong mamimili at kung sila ba ay magtutuloy-tuloy o uulit.
- Value Proposition – Siguraduhin mong mayroon ka talagang magandang produkto o serbisyo na inaalok at hindi ‘yung ikaw lang ang talagang nagkakagusto o biased ka. Malaman mo kung gusto at talagang hahanapin o kakailanganin ng customers ang produkto o serbisyo mo. Kung nakakakausap ka ng ilang customers at masaya silang nasa-satisfy ng kompanya mo, ito ay magandang senyales na kahit ialok mo sa ibang tao, tiyak na magugustuhan nila at magiging mamimili mo sila. Ano talaga ang inaaalok mo at bakit nila ito bibilhin?
- Competitive Advantage – Ikumpara mo ang iyong kompanya sa ibang kalaban na kompanya at malalaman mo kung ano ang kalamangan mo sa kanila para masabi mong mas pipiliin ka ng mamimili kesa sa iba. Malaman mo rin kung kaya mong magbigay ng mas magandang serbisyo, presyo o kagalakan sa customers dahil sa iyong mga kalamangan. Hindi dapat makopya ang iyong mga advantages o dapat patuloy kang nagde-develop para lagi kang lamang sa kalaban.
- Sales Growth – Sino-sino at ano-ano ang masasabi mong magdadala sa ‘yo ng mga benta? Ito ba ay ahente, pangyayari, ‘yung lugar mo, mga promotions, discounts o kung ano-ano pa. Malaman mo ang kapakinabangan mo sa pagtaas ng benta sa bawat galaw ng tao mo o mga kaganapan sa business. Ito ay pag-aralan mo kung paano mo pa sila mas maeengganyo na makabenta o kailangan mo bang iaayos pa ang mga promotions o marketing activities para mas dumami ang benta. Nasa iyo ang control at kumpara sa magiging kaakibat na gastos maunawaan mo kung ikaw ba ay kikita at ituloy mo ang mga gagawin mong pang-engganyo sa ‘yong mga drivers ng sales. Ang sales drivers mo ang kontrolin mong magpalakas ng benta mo.
- Net Income/Profit – Kailangang ma-analyze mo kung talaga bang kumikita ka pagkatapos mong ma-consider ang lahat ng gastos mo at ang taxes na ba-bayaran. Malaman mo ang pricing model mo o ‘yung magkano ang kikitain ng kompanya mo halimbawang makabenta ka ng isang produkto mo. Maging totoo sa pag-usisa ng iyong net income at maintindihan na baka paper income lamang o sa papel lang ang iyong kita. Ang net income ang magpapalaki ng ari-arian ng kompanya na magpapalakas pa sa future ng iyong revenue o sales. Dapat mas nakakabili ka ng mga equipment, machine o may mga iba ka pang magiging investments na kumikita.
- Bigger Opportunity – Ang negosyo mo ay magbubukas ng iba pang opportunities sa ‘yo kaya magandang senyales ang ikaw ay nakapag-umpisa na. Maging agresibo ka sa pagpapalawak ng iyong network at ang iyong business ay sikaping magbunga ng iba pang pagkakataon. Hindi man directly na umunlad ang iyong inumpisahan baka ito ang magbubukas ng iba pang negosyo sa ‘yo na mas lalago. Ang iba naman ay inaayos ang inumpisahang business at ibinebenta at kumikita na sa pagbenta ng kompanya. O maaaring makipartner sa iba na mas makatutulong sa iyong paglaki.
- Restrategize – Maaaring wala kang nakikitang kaunting pagsigla ng iyong negosyo kaya baka ang dapat mong gawin ay mag-restrategize, baka kailangang baguhin ang ilang bagay o maging ang kabuuan. Maraming negosyo ang hindi nagiging maganda ang simula, nagpalit pa ng produkto, lumipat ng lugar o marami pang naranasan bago natagpuan ang tamang pag-unlad. Ang pag-amin sa kamalian sa unang strategy at umpisa ng pagbabago kaya kailangang maunawaan kung anu-ano ang dapat na ayusin.
- Employment Opportunity – Ito ang isang magandang bunga ng sarili mong negosyo, ikaw ay nagkatrabaho na ikaw ang may hawak ng oras o kontrolado mo ang pangyayari at ang bunga ng pagsisipag mo ay ikaw ang unang makakatikim. Isipin mo ring nakatulong ka sa iba at nabigyan mo sila ng hanapbuhay at kailangan mo lang silang ma-motivate at matulugan ka sa negosyo.
Ito ay ilan lamang sa maganda mong maunawaan kung dapat mong ituloy ang negosyo mo. Huwag kang mawalan ng pag-asa sa halip gamitin at bawat pagkakamali o kabiguan na paraan na makabangon at maiayos muli ang lahat. Kailangan mo lang ng mas matinding pag-a-analyze, tulong ng ilang eksperto, mas pagsumikapan at manalangin para mapasa-Diyos ang mga bagay na rin na talagang kayang maiayos at magtiwala sa Kanya. May nagsabi na ayon sa pag-aaral, 1 sa 7 na itinayong kompanya ay 1 lang ang napapalago kaya sa pagtayo mo ng una mong negosyo, namnamin ang lahat ng maaaring matututunan para sa susunod pang hakbang ng iyong buhay pagnenegosyo. Unawain ang Startegy (start-up strategy). Ito ay salitang ginawa ko para paghandaan ang mga pangunahing strategies sa negosyo.
Kung nais mo ng tulong sa pag-a-analyse ng negosyo at para sa mga ilan pang katanungan, maaari ninyo akong i-konsulta, i-email ninyo ako sa [email protected]. Kung may pangangailangan sa Accounting, Taxation, Audit o anumang business-related, matatawagan niyo ako sa 0917-876-8550. Si Doc Benj ay isang consultant sa business, professor at CPA.
Comments are closed.