ISINAILALIM na ni Pangulong Rodrigo Duterte sa state of calamity ang buong Filipinas dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) outbreak.
Base sa Proclamation No. 929 na may petsang Marso 16, 2020, nasa state of calamity ang bansa sa loob ng anim na buwan subalit maaari itong mapaikli o mapalawig pa depende sa sitwasyon.
“Such declaration will, among others, afford the National Government, as well as LGUs (local government units) ample latitude to utilize appropriate funds, including the Quick Response Fund, in their disaster preparedness and response efforts to contain the spread of COVID-19 and to continue to provide basic services to the affected population,” sabi pa sa proklamasyon.
Nagdesisyon ang Pangulong Duterte na isailalim sa state of calamity ang buong bansa bunsod na rin ng patuloy na pagtaas ng bilang ng mga tinamaan ng COVID-19 sa kabila ng mga ipinatutupad na patakaran ng pamahalaan laban sa naturang sakit.
Inatasan ng Pangulong Duterte ang lahat ng ahensiya ng gobyerno at mga local government units sa buong bansa na magbigay ng buong tulong at suporta sa isa’t isa upang agarang makapagpatupad ng mga kakailanganing aksiyon para matugunan ang hamon ng COVID-19 at maisakatuparan ang kaukulang disaster response aid sa mga apektadong mamamayan.
“All law enforcement agencies, with the support of the Armed Forces of the Philippines, are hereby directed to undertake all necessary measures to ensure peace and order in affected areas, as may be necessary,” sabi pa sa proklamasyon.
Inatasan na rin ng Pangulong Duterte sina Executive Secretary Salvador Medialdea, Health Secretary Francisco Duque III at iba pang kinauukulang pinuno ng mga ahensiya ng gobyerno na bumalangkas ng mga guideline para sa implementasyon ng enhanced community quarantine sa buong Luzon.
Sa pinakahuling talaan ng Department of Health, 12 katao na ang nasawi sa Filipinas dahil sa COVID-19.
Ang National Disaster Risk Reduction and Management Council ang siyang nagrekomenda na ideklara ng Pangulo ang state of calamity sa buong bansa. EVELYN QUIROZ
Comments are closed.