STATE OF CALAMITY NAKATAAS SA KABACAN, COTABATO

UPANG mapabilis ang pagbibigay ng ayuda sa mga kababayang apektado ng tatlong linggong pag-ulan, inilagay na sa state of calamity ang bayan ng Kabacan, Cotabato.

Una nang naitala ang pagbaha at pagguho roon kaya naman kumilos na ang konseho para mabuo ang Resolution No. 2021-343 at batay sa bisa nito ay idineklara ang state of calamity sa nasabing bayan,
Lumabas sa assessment ni Municipal Disaster Risk Reduction and Management Officer (MDRRMO) David Don Saure, aabot sa 2,071 pamilya ang apektado habang nasa 485.55 ektarya ng agrikultura ang nasalanta mula sa anim na barangay ng bayan.

Kinabibilangan ito ng Brgy. Cuyapon, Lower Paatan, Magatos, Kilagasan, Bannawag, at Sitio Punol at Sitio Lumayong ng Brgy. Kayaga.

Hinahanda naman ngayon ng lokal na pamahalaan ng Kabacan sa pangunguna ni Kabacan Mayor Herlo Guzman, Jr. ang mga ayuda para sa mga pamilyang naapektuhan ng pagbaha.

Nakikipag-ugnayan na rin ang Municipal Agriculture Office sa Department of Agriculture para sa posibleng tulong sa mga magsasakang naapektuhan.