STATE OF CALAMITY SA 2 EL NIÑO-HIT LGUs SA NEGROS OCCIDENTAL

DALAWANG local government units (LGUs) sa Negros Occidental ang nasa ilalim ngayon ng state of calamity makaraang magtala ng milyon-milyong pisong pinsala sa mga pananim dahil sa tagtuyot na dulot ng El Niño.

Ang Kabankalan City ang pinakahuling nag-isyu ng  deklarasyon matapos ang bayan ng San Enrique noong nakaraang linggo.

Ayon kay Governor Eugenio Jose Lacson, sa kani-kanilang aksiyon, maaaring gamitin ng dalawang LGUs ang mga pondo upang tumugon sa mga pangangailangan ng kanilang nasasakupan.

“I suppose the two LGUs have the intention of helping their affected constituents,” aniya.

Sinabi ni Kabankalan City Vice Mayor Miguel Zayco na nagkakaisang inaprubahan ng City Council ang deklarasyon ng state of calamity dahil sa El Niño noong Huwebes ng hapon.

Sa report ng Office of the Provincial Agriculturist (OPA) na may petsang April 17, ang Kabankalan City ay nagtamo ng pinsala sa rice crops na nagkakahalaga ng P41.91 million.