STATE OF CALAMITY SA MEASLES OUTBREAK ‘DI NA KAILANGAN

Senador Richard Gordon

WALANG  panga­ngailangan para isailalim sa state of calamity ang ilang lugar sa bansa dahil sa tigdas.

Ito ang iginiit ni Philippine Red Cross Chairman at Senador Richard Gordon sa kabila ng pagdedeklara ng Department of Health ng measles out-break sa ilang lugar sa bansa.

Ayon kay Gordon, walang batayan para magdeklara ng state of calamity dahil hindi naman  epidemya ang nangyari sa bansa.

Sinabi ni Gordon, bagama’t marami ang nagkasakit, kaya ng pamahalaan na tugunan ang kasalukuyang problema sa tigdas.

Walang basis iyan, kaya naman [tugunan ng gobyerno] at tsaka ito’y hindi naman epidemic, this is a break out,” pahayag ni Gordon.

Kasabay nito, muling nanawagan si Gordon sa mga lokal na pamahalaan na maging pro-active para mapigilan ang pagkalat pa ng tigdas o anumang sakit sa kani-kanilang nasasakupan.

Kaya nananawagan ako sa mga LGU official, the local mayors, the local health officers, they must be very proactive in preventing any disease. Libre naman ang bakuna,” ayon pa sa senador. KRISTA DE DIOS-DWIZ882