PORMAL na idineklara ni Makati City Mayor Abby Binay ang state of climate emergency sa lungsod bunsod sa patuloy na pagtaas ng temperatura at lebel ng tubig sa dagat partikular sa Pilipinas gayundin sa buong mundo.
Ito ang inihayag ni Binay sa ginanap na webinar nitong Agosto 5 kung saan sinabi nito na habang patuloy sa pagtaas ng temperatura at lebel ng dagat, ang mga low-lying coastal area naman sa Makati ay mas lalong nalulubog sa baha tuwing tag-ulan.
Kasabay nito, nagdeklara si Binay na paiigtingin ng lokal na pamahalan ang mga hakbang para mabawasan ang greenhouse gas emissions sa lungsod.
Sinabi ni Binay na plano ng lokal na pamahalan na umangkat ng mga electric vehicles para sa pamahalaang lungsod at magamit ng solar panel sa mga pampublikong paaralan at opisina ng gobyerno upang mabawasan ang pagkonsumo ng enerhiya para makatiyak na tuloy-tulo ang pagbibigay ng serbisyo sa mga Makatizens lalo na sa panahon ng kalamidad.
Hinimok din ni Binay ang business sector, mga komunidad, at stakeholders na makiisa sa mga polisiya at programa ng lungsod upang mabawasan ang epekto ng climate change tulad ng Solid Waste Management Code, Makati Green Building Code, plastic ban sa mga kabahayan at business establishments, pagbabawal sa paninigarilyo, Anti-Smoke Belching Ordinance, at Greenhouse Gas Reduction Ordinance.
Matatandaan na nito lamang Miyerkules ay lumagda sa isang kasunduan si Binay kasama ang mga opisyal ng Korea International Cooperation Agency (KOICA) upang magtayo ng isang smart public transport system para sa operasyon ng mga electric buses.
Bukod dito, tuloy-tuloy din ang pagpapagawa ng Makati Subway na inaasahang magpapagaan ng trapiko sa lungsod at makatutulong sa pagbabawas ng GHG emissions. MARIVIC FERNANDEZ