STATE OF PUBLIC HEALTH EMERGENCY (Idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte)

ISINAILALIM sa State of Public Health Emergency ni Pangulong Rodrigo Duterte ang bansa matapos kumpirmahin ng Department of Health (DOH) na mayroon ng localized transmission ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) at umakyat na sa anim ang kumpirmadong kaso ng virus.

Ito ang inihayag ni Senador Christopher  Bong Go alinsunod na rin sa rekomendasyon ng DOH makaraang itinaas sa Code Red Sublevel 1 ang kanilang alerto laban sa COVID-19.

“Pursuant to the recommendation of the DOH and my suggestion as Chair of the Senate Committee on Health, President Rodrigo Duterte has agreed to issue a declaration of a State of Public Health Emergency due to the confirmation of a local transmission of COVID-19 in our country,” ani Go.

Kasabay nito, inirekomenda rin ng senador na palawakin ang Inter-Agency Task Force para sa pagbuo ng  crisis committee para nakahanda ang lahat para maiwasan ang lalong pagkalat ng COVID-19.

Layon ng pagbuo ng crisis committee na mabigyan ng kapangyarihan ang DOH at ang Local Government Units (LGUs) na mabantayan ang pagkalat ng sakit at mapanatili ang level of awareness upang mabawasan ang takot ng publiko.

Iginiit ni Go na mas magandang madalas na i-update ng DOH ang publiko para direkta ang impormasyon at maiwasan na ang misleading  informations. VICKY CERVALES

KASO NG COVID-19 UMAABOT NA SA ANIM

KINUMPIRMA ni Health Secretary Francisco Duque III, ang ikaanim na kaso na may COVID-19 ay ang 59-anyos na mula sa San Juan City at wala rin travel history sa labas ng bansa at  asawa ng ikalimang pasyente na isang 62-taong gulang na lalaki.

Ani Duque, ang 6th case ng virus ay nakaranas ng ubo matapos na makasalamuha ang kanyang mister na naka-admit umano sa Research Institute of Tropical Medicine (RITM) noong Marso 5.

Gayundin, napag-alaman ni Duque na ang ika-5 pasyente na may hypertension at diabetes ay nagkaroon ng severe pneumonia at nasa kritikal na kondisyon pa rin sa ngayon.

Dahil dito, tiniyak ng kalihim na higit pa nilang pinaigting ang pagsasagawa ng contact tracing sa mga taong nakasalamuha ng mga pasyente upang maisailalim sa pagsusuri.

Ayon naman kay Health Assistant Secretary Maria Rosario Vergeire, sa ngayon ay si­nimulan na nila ang testing sa nasa 29 indi­biduwal na natukoy ng DOH na nagkaroon ng close contact sa mga bagong kaso ng virus.

Aniya, para sa 4th case ng virus na isang 48-year old na abogado na may travel history sa Japan; siyam na katao ang natunton nila at nakuhanan na ng specimens upang masuri, habang sa 5th case naman ay mahi­git 20 na mga tao na aniya ang iniimbestigahan sa ngayon.

Sa pangyayaring ito, idineklara ng DOH ng Code Red Sublevel 1 alert ang COVID-19 Alert System ng bansa laban sa virus kasunod na rin ng kumpirmasyon ng localized transmission ng virus sa bansa.

At ang rekomendas­yon ng DOH kay Pa­ngulong  Duterte ang pag­dedeklara ng public health emergency sa bansa na agad naman na tinugunan.

Gayunpaman, nili­naw ni Duque na ito’y preemptive call lamang upang matiyak na ang national at local governments, maging ang mga public at private health care providers ay handang-handa para sa posibleng pagdami ng suspected at confirmed COVID-19 cases.

Patuloy rin naman ang paalala ng DOH sa lahat na mag-praktis ng personal protective measures gaya ng hand hygiene o palagiang paghuhugas ng kamay at paggamit ng alcohol, social distancing o pag-iwas sa matataong lugar, at pagkakaroon ng proper cough etiquette.

Pinayuhan rin ng DOH ang publiko na umiwas muna sa hindi kinakailangang pagbiyahe at ipagpaliban ang pagdalo sa mga pagtitipon.

Siniguro rin niya na ginagawa nila ang lahat upang mapigilan ang tuluyang pagkalat ng virus sa bansa upang hindi ito mauwi sa community transmission.

Aniya, sa kabila ng mga pag-iingat na ito ay magkaroon pa rin ng sustained community transmission ng sakit, o pagdami ng bilang ng mga local cases na hindi matukoy kung saan nagmula ay lilipat sila ng istratehiya mula sa intensive contact tracing patungo sa implementasyon ng community-level quarantine o lockdown, at  ‘di kaya ay pagpapatupad ng suspension ng trabaho o klase.

“These will be implemented in municipal, city or provincial scale as may be warranted.  Augmentation of health staff from unaffected areas and uniformed personnel will also be facilitated,” ani Duque.

Muli rin namang nanawagan si Duque sa publiko na iwasan ang pagpapakalat ng maling impormasyon hinggil sa sitwasyon sa bansa at pinaalalahanan ang lahat ng health care providers, institutions, at stakeholders na magsagawa ng matinding pag-iingat sa pagbabahagi ng sensitibong impormasyon hinggil sa mga suspected at confirmed cases ng virus. ANA ROSARIO HERNANDEZ

HAKBANG KONTRA COVID-19 SIGURUHIN SA GRADUATION

HINIMOK ni Senador Win Gatchalian ang Department of Education (DepEd) na gawin ang lahat ng pag-iingat upang mapigilan ang pagkalat ng coronavirus disease o CO­VID-19 sa mga paaralan lalo na sa panahon ng graduation.

Ang pahayag ng senador ay sa gitna ng patuloy na pag-akyat ng mga kaso ng COVID-19 sa iba’t ibang bansa. Umabot na sa mahigit walumpu’t pitong libong (87,137) katao mula sa halos animnapung (59) bansa ang nag-positibo sa coronavirus.

Kamakailan lamang, idineklara ng World Health Organization (WHO) na umabot na sa “very high” ang antas ng panganib na dulot ng COVID-19.

Ayon kay Gatchalian, dapat siguruhin ng DepEd na may mga nakahandang hakbang ang mga paaralan sa pagdaraos ng mga graduation at moving-up ceremonies, kabilang ang mga rekomendasyon ng WHO sa pagsasagawa ng malaking mga pagtitipon.

Aniya, simula sa pagsasagawa ng comprehensive risk assessments, mahalaga na ang ugnayan sa pagitan ng mga paaralan at mga local health officials na kung saan dapat tukuyin ng mga assessment ang nakaambang mga panganib at kung paano aaksiyunan ang mga ito.

Dagdag ni Gatchalian, dapat magkaroon ng sapat na impormasyon sa mga bagay tulad na lamang ng tamang hygiene, pagsusuri sa mga sintomas, pag­hingi ng tulong medikal, at kung kanino maaring humingi ng tulong.

Mahalaga rin ang pagkakaroon ng sistemang tutukoy kung may sintomas ba ang lalahok sa programa ng pagtatapos. Kung may makitaan ng mga sintomas na naiuugnay sa COVID-19, dapat may nakahandang isolation area o transportasyong maghahatid sa mga pasyente sa angkop na pasilidad.

“Isang masayang okasyon ang pagtatapos ng ating mga mag-aaral at hindi natin dapat hayaang masira ito ng panganib at pangambang dulot ng COVID-19. Kaya naman sa ating paghahanda, mahalagang gawin natin ang lahat ng posibleng hakbang upang masiguro ang kaligtasan ng ating mga mag-aaral, guro, at mga magulang,” ani Gatchalian.

Ayon sa datos ng Department of Health (DOH), mahigit anim na raang (638) katao na sa Filipinas ang naituring na “persons under investigation” noong March 2. Tatlo rito ang nag-positibo sa COVID-19, higit apatnapu ang kasaluku­yang inoobserbahan, at halos anim na raan ang nag-negatibo sa naturang virus. VICKY CERVALES

EMPLEYADO SA BGC POSITIBO SA COVID-19

INAMIN ng isang consultancy at financial advisory firm na naka-base sa Bonifacio Global City sa Taguig City na isa sa kanilang empleyado ang nagpositibo sa CO­VID-19.

“We can confirm that a colleague in our Deloitte Philippines office has tested positive for CO­VID-19. The colleague is currently in hospital receiving treatment and further tests, and Deloitte is supporting the colleague and family in every way we can,” pahayag ng nasabing kompanya.

Ayon kay Taguig City Mayor Lino Cayetano, ang bagong kasong sinabi ng DOH ay empleyado ng Deloitte Philippines na matatagpuan sa Net Lima Plaza sa Bonifacio Global City na kung saan ay hindi naman bago, subalit ito ay karagdagan lamang sa mga bagong naitala ng DOH na tinamaan ng sakit.

Ang nasabing empleyado ng Deloitte Philippines ay kasalukuyan nasa ospital at ginagamot.

“The health and safety of our people, our clients and our community is our highest priority, and our immediate response has been to take all necessary actions to manage the situation,” ayon sa pahayag ng naturang kompanya.

Ayon pa sa Deloitte Philippines, patuloy silang sumusunod sa mga patakaran at kautusan ng DOH.

“All necessary actions were promptly taken to inform those who might have come into contact with the colleague for the appropriate checks and provide any possible form of support,” dagdag pahayag pa ng Deloitte.

Sinabi rin ng natu­rang kompanya na sila ay nakikipag-coordinate sa NEO Buildings kung saan sila ay tenant.

Ang city government naman ng Taguig at ang DOH ay kasalukuyan ngayong sinisuguro na masunod ang lahat ng protocols.

“Frequent sanitation and disinfection of BGC malls and buildings, public transportation utilities, parks and common areas are being conducted, as well as temperature checks in entrances,” ayon sa Taguig City government. MARIVIC FERNANDEZ