TINANGGAL na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang state of public health emergency dahil sa COVID-19 sa buong bansa.
Ito ang nilalaman ng kanyang inilabas na Proclamation No. 297 na may petsang Hulyo 21, 2023.
Ang nasabing proklamasyon ay nagpapaso o nagpapawalang bisa sa mga kautusan, memoranda at iba pang regulasyon na ipinatupad habang nakataas ang public health emergency.
“All prior orders, memoranda, and issuances that are effective only during the State of Public Health Emergency shall be deemed withdrawn, revoked or canceled and shall no longer be in effect,” ayon sa proklamasyon.
Mananatili namang balido o may bisa ang mga inisyu na emergency use authorization ng Food and Drug Administraion kaugnay sa mga natitirang mga bakuna.
“All EUA (emergency use authorization) issued by the FDA (Food and Drug Administration) pursuant to Executive Order (EO) No. 121 (s. 2020) shall remain valid for a period of one year from the date of lifting of the State of Public of Public Health Emergency for the sole purposes of exhausting the remaining vaccines,” saad ng proklamasyon.
Pinatitiyak din ng kautusan sa lahat ng ahensya naalisin na ang State of Public Health Emergency sa kanilang mga regulasyon.
Magugunitang inilabas ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang Proclamation No. 922 noong Marso 2020, na nagdedeklara ng State of Public Health Emergency sa buong bansa dahil sa COVID-19 pandemic.
Ang sumunod na EO No. 121 (s. 2020) ay pinahintulutan ang FDA na mag-isyu ng mga EUA para sa mga bakuna sa COVID-19, na dapat ay may bisa lamang sa panahon ng idineklarang pampublikong kalusugan na emergency.
Nakasaad din sa proklamasyon na bagama’t nananatiling seryosong alalahanin ang COVID-19 para sa ilang subpopulasyon at nangangailangan ng patuloy na pagtugon sa kalusugan ng publiko, napanatili ng bansa ang sapat na kapasidad ng healthcare system.
EVELYN QUIROZ