STATE-RUN RAIL FIRM, PINATATAYO SA MINDANAO

sonny angara

DAHIL sisimulan na ngayong taon ang kauna-unahang rail system sa Mindanao, muling hiniling ni Senador Sonny Angara ang pagtatayo ng Mindanao Railways Corp., na pangangasiwaan ng pamahalaan.

Ito, ayon kay Angara, ang mangangalaga at magmamantine sa lilikhaing train system sa Mindanao upang matiyak na maiiwasan ang iba’t ibang uri ng aberya sa operasyon nito.

Ayon kay Angara, sa pamamagitan ng panukalang ‘MindaRail’, masisigurong gugulong ang pag-unlad sa rehiyon, na magiging daan naman para magkaroon na ng tunay na kapayapaan at pag-angat mula sa matinding kahirapan.

Matatandaan na noong 2016, ipinanukala ni Angara ang Senate Bill 137 na naglalayong magtatag ng ‘MindaRail’ na aniya’y ­mangangailangan ng inisyal na pondo na P1-B. Kailangan din aniyang lumikha ng isang 11-member board na pawang itatalaga ni Pangulong Duterte, kung saan ang punong tanggapan nito ay nakabase sa lungsod ng Davao.

Sa sandaling makumpleto ang naturang train system, dito na magsisimula ang pag-usbong ng kaunlaran sa Min­danao.

“Parating na ang panahong pinakahihintay ng lahat sa Mindanao: Ang kaunlaran at katahimikan. Ilang taon na rin silang namumuhay sa sigalot at kahirapan kaya oras na para maiahon naman sila mula sa matinding pagdurusa,” ani Angara, muling tumatakbo bilang senador sa ilalim ng platapormang Alagang Angara.

Nauna rito, ikinatuwa ng senador ang pahayag ng Department of Transportation (DOTr) na pasisimulan na ngayong taon ang konstruksiyon ng unang bahagi ng Min­danao Railway Project.

May sukat na 102-kilo­meter, ang naturang railway ang magdurugtong sa mga lungsod ng Tagum, Davao at Digos at posibleng magsimulang tumakbo sa 2022.

Anang senador, hindi lamang mga pasahero ang dapat isakay sa train service kundi maging mga kargo, partikular ang mga produktong pang-agrikultura. Ito ay dahil kilala ang rehiyon bilang agriculture powerhouse na taon-taon ay maaaring kumita ng kahala­ting trilyong piso dahil sa kanilang mga ani.

Ayon sa datos noong 2017, pumangalawa ang Mindanao sa may pinakamalaking kontribusyon sa total agricultural production na may 32.58 per-cent. Sa kabuuan, 38.85 ang mula sa mga pananim, 23.8 mula sa livestock, 19.61 mula sa poultry products at 31.58 mula sa palaisdaan.

Sa kabila ng yamang agrikultural na ito, ayon kay Angara, nakadidismaya na higit sa 40 porsiyento ng pinakamahihirap sa bansa ay pawang naninirahan sa Mindanao.  VICKY CERVALES

Comments are closed.