STATE U STUDES PINUWERSANG UMANIB SA CPP-NPA

CPP-NPA

CAMP CRAME – ­PATULOY pa ring nililigawan at pinupuwersa ng Communist party of the Philippine –New Peoples Army ang ilang estudyante partikular ang mga mag-aaral mula sa University of the Philippines (UP) at Polytechnic Universitiy of the Philippines (PUP) para sumanib sa kilusan.

Nalantad ito sa isinagawang debriefing sa may 20 miyembro ng CPP-NPA na sumuko sa Laguna kamakailan.

Ayon kay Calabarzon Police Regional Director Edward Carranza, sa pagsuko ng 20 miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Laguna, ibinunyag ng mga ito na may mga estudyante ang bumibisita 2 hanggang 3 beses kada linggo ilang sitio sa Barangay San Antonio.

Sa pahayag ng  mga sumukong Dumagat na miyembro ng NPA sa umpisa ay sinasabing bahagi lamang ito ng immersion  o pagtikim sa pamumuhay sa kana­yunan.

Subalit sa kalaunan ay hindi na pinabababa dahil sinasabihan sila na tatargetin sila ng mga sundalo at pulis kaya karamihan sa mga ito ay hindi na bumababa at napipilitang sumanib sa kilusan.

Ayon kay “Ka Ruben”, ang mga estu­dyante ay nakikipamuhay sa kanila sa kabundukan at tinatanong-tanong sila hinggil sa kanilang mga aktibidad.

Kadalasan ani “Ka Ruben” dalawa hanggang walong miyembro ng estudyante ang nagtutungo sa kabundukan at doon nagpapalipas ng gabi.

Nabatid na sumuko ang 20 miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Kalayaan, Laguna at iniharap ito ni  Carranza kay PNP chief Dir. Gen. Oscar Alba­yalde kahapon.

Sa kanilang pagsuko, isinuko rin ng mga rebelde ang 12 matataas na kalibre ng baril at iba pang armas.

Tiniyak naman ni Albayalde na makatatanggap ng tulong ang mga sumukong rebelde sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Loca­lized Integration Program (E-CLIP) ng Task Force Balik-Loob ng pamahalaan. VERLIN RUIZ

Comments are closed.