KAYSARAP magbihis. Kaysarap mag-ayos ng sarili. Hindi nga naman papayag ang marami na magmukhang losyang at pangit sa paglabas sa kanilang bahay. Siyempre, nais ng maraming maging presentable at maaliwalas ang kabuuan lalo na kung haharap sa marami.
Kahit nga naman sobrang init ng panahon, hindi pa rin mapipigil ang marami sa atin sa pagsusuot ng iba’t ibang accessories na makadaragdag sa ganda ng kabuuan. Tunay nga namang karugtong na ng ating buhay ang pag-aayos at pagsusuot ng outfit at accessories na nakadaragdag ng ganda sa isang tao. May accessories din na hindi nawawala sa uso—umulan man o umaraw kagaya na lang ng mga sumusunod:
WRIST WATCH
Lahat—babae man o lalaki—ay mapapansin nating nagsusuot nito. Isa nga naman ito sa kailangan o statement pieces na inaasam ng marami. Hindi lamang kasi ito pamporma sapagkat importante rin ito para malaman natin ang oras.
Sa ngayon, maraming mga relo na puwedeng pagpilian sa merkado. May mga branded at siyempre ay hindi rin nawawala ang mga wrist watch na abot-kaya sa bulsa.
Sa pagpili nito, siguraduhin lang na bagay ito sa iyo at mapakikinabangan mo ng matagal. Kailangan ding bagay ito sa kahit na anong outfit.
May mga wrist watch na rin ngayon na parang bracelet. Maaari rin natin itong subukan.
NECKLACE
Choker man o long necklace ang type mo, okey na okey dahil pareho itong nakagaganda ng outfit o porma. Kung naka-off shoulder ka nga naman, swak na swak suotin ang choker. Puwede rin naman ang long necklace basta’t bagay lang ito sa iyong out-fit.
Kumbaga, sa pagsusuot ng necklace siguraduhing bagay ito sa iyong outfit nang lalong gumanda ang iyong look.
Pagdating nga naman sa necklace, kayraming puwede nating pagpilian. Iba’t ibang style. Iba’t iba ring dating ang naibibigay sa bawat magsusuot.
Bago rin bumili, tingnan muna kung anong babagay sa iyong personalidad saka magtungo sa pamilihan.
Isa sa hindi nawawala sa kinahihiligan ng marami ang necklace.
SPORTY AT FEDORA HAT
Umulan man o umaraw, usong-uso ang sombrero. Hindi lamang din ito swak sa umaga dahil mainam din itong suotin sa gabi para gumanda ang iyong kabuuan o gusto mong magkaroon ng “attitude” ang iyong look.
Marami na ngayon ang nagsusuot ng sombrero, mapalalaki man o babae. Bukod sa mainam ito kapag mainit o malamig ang panahon, swak na swak din itong ipares sa kahit na anong outfit. Maganda rin itong tingnan. Fashionista kumbaga.
BELT
Lalaki man o babae, gumagamit ng belt. Ang ilan ay para hindi mahubad ang kanilang pantalon sakaling medyo maluwag ito ng bahagya. Samantalang ang iba naman, pamporma lang. Para lang magkaroon ng statement piece ang outfit.
Kung tutuusin, maganda rin kasing accessory ang belt lalo na sa mga kababaihan. Kung naka-dress ka nga naman, maaari kang maglagay ng statement belt o iyong may kalakihan para medyo maitago ang bilbil at para na rin magkaroon ng korte ang katawan.
Marami nga namang gamit ang belt kaya isa ito sa matatawag na accessory na swak sa kahit na anong panahon.
STUD EARRINGS AT DANGLINGS
Makokompleto ba naman ang look ng isang babae kung walang suot na earrings?
Siyempre hindi. Isa rin ang earrings sa laging kadikit ng tainga ng marami sa atin. Marami na ring klase ng earrings na puwede nating pagpilian—may mga stud at mayroon ding mga danglings o iyong mahahaba at malalaki.
Ang mga dangling ay maraming binabagayang outfit at nakadaragdag din ito ng ganda sa isang nagsusuot. Marami ring style at kulay ang puwedeng pagpilian.
FLATS AT HEELS
Kung titingnan natin, maraming kababaihan ang nahihilig sa heels. Unang-una, nakatatangkad nga naman ito. Kung medyo kinapos-kapos ka sa tangkad, aba, swak na swak sa iyo ang pagsusuot ng may mga takong na sapatos at sandalyas. Sexy rin itong tingnan kaya’t kinahihiligan ng halos lahat ng kababaihan.
Hindi rin naman siyempre nagpapahuli sa listahan ng mga kinahihiligang suotin ang flat shoes at sandals.
Kung medyo matangkad-tangkad ka na nga naman, hindi mo na kailangang mag-heels ng matataas at puwede mong subukan ang flats. Maganda ring suotin ang flats dahil bukod sa komportable ang iyong mga paa, napakarami na ring klase at kulay ang puwede mong subukan. May mga magaganda ring design na kapag isinuot mo, gumagandang lalo ang paa mo at ang iyong kabuuan.
Flats man o heels ang type mong pansapin sa paa, siguraduhin lang na komportable ka sa pagsusuot nito.
OVERSIZED RINGS
Isa rin sa magandang suotin ang oversized rings. O kung ayaw mo naman ng malalaking singsing, puwedeng-puwede rin iyong mga maliliit lang basta swak sa iyong kamay at magandang tingnan.
Astig din kasing tingnan ang malalaking singsing lalo na kapag suot-suot na ito.
Napakaraming accessories at outfits na hindi nawawala sa uso. Kaya kung gusto nating maging fashionista, hindi na natin kailangan pang bumili dahil tiyak na kapag tiningnan natin ang ating closet, may magagamit tayo. CS SALUD (photos mula sa google)
Comments are closed.