LAGUNA – KASONG statutory rape ang kinakaharap ng 44-anyos na janitor matapos magkakahiwalay na pinagsamantalahan nito ang dalawa nitong paslit na stepdaughter kabilang ang isa pa nitong pamangkin sa bayan ng Calauan ng lalawigang ito.
Batay sa ulat ni PMaj. Mark Julius Rebanal, hepe ng pulisya kay Laguna-PNP Provincial Director PCol. Eleazar Matta, nakila-la ang naaresto na si Leonard Padayao, residente ng Brgy. Silangan ng bayang ito.
Sinasabing napapabilang sa number one most wanted person (Municipal Level) ang suspek.
Nagawa umanong magkakahiwalay na pagsamantalahan ng suspek ang dalawa nitong stepdaughter edad 5 at 8 kabilang ang isa pang pamangking babae ng kanyang misis edad na 10.
Makaraan nito, nagawa umanong ilihim ito ng mga biktima samantalang hindi aniya nagtagal at ipinagtapat na rin ng mga ito sa kanilang mga magulang kasunod ang paghahain ng mga ito ng naturang kaso.
Sa pamamagitan ng inihaing warrant of arrest na ipinalabas ni Hon. Judge Virgilion B. Gesmundo, RTC Branch 8, Lungsod ng Calamba, agarang naaresto ng mga tauhan ni Rebanal ang suspek makaraan ang ginawa nitong pagtatago sa batas.
Kasalukuyang nakapiit ang suspek sa Calauan-PNP lock up cell na walang inilaang piyansa ang korte para sa pansamantala nitong paglaya habang ang mga biktima ay sumailalim sa counselling procedure sa ilalim ng pamunuan ng Municipal Department of Social Welfare and Development (MDSWD). DICK GARAY
Comments are closed.