NAPAKALAKING tulong sa pag-unlad ng ekonomiya ang dekalidad na edukasyon dahil sa mga kaalaman at karunungan na ating nakukuha na humuhubog ng ating talento at pagiging malikhain.
Isa sa mga tinututukan ngayon ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ay ang edukasyon kung saan nais niyang paigtingin ang sistema ng science, technology, engineering, and mathematics (STEM) education. Sa ganitong paraan ay magiging mas handang makipagsabayan ang Pilipinas sa mabilis na pag-unlad ng teknolohiya.
Sa kauna-unahan niyang State of the Nation Address (SONA), inatasan ni BBM ang Department of Education (DepEd) na paigtingin ang STEM education dahil lubos na nahahasa rito ang talino at pagiging problem-solver ng mga mag-aaral. Ito ang maghahanda sa kanila sa mga trabahong nangangailangan ng problem solving at critical thinking skills.
Ayon kay Marcos, kinakailangan ng mga mag-aaral na maging mas maalam sa mga online resource. Hinikayat niya rin ang pagpapaigting sa internet connectivity dahil ito ang susuporta sa edukasyon.
“The internet has now become the global marketplace, not only for goods and services but also for ideas and even extending to our personal interactions” aniya.
Dahil din sa K to 12 curriculum na ipinatupad sa ilalim ng administrasyong Aquino, ang ranggo ng Pilipinas pagdating sa worldwide STEM index ay umakyat na sa ika-54 noong 2019 mula sa pang-73 na ranggo noong 2018.
Kaya lamang, nararapat pa ring bigyan ng higit na atensiyon ito dahil ayon sa mga eksperto, mayroon pa ring kakulangan sa mga nagtatapos na mag-aaral mula sa kursong may kaugnayan sa STEM kumpara sa surplus sa mga mag-aaral na nagtapos ng kursong Information Technology.
Dahil sa utos ng Pangulo, inaasahan natin ang Bise Presidente Sara Duterte, na siya ring kalihim ng DepEd, na simulan na ang adhikaing ito.
Naniniwala ako na kakayanin nating makamit ang advanced STEM education sa pamamagitan ng pagsasanay at pag-develop ng ating mga guro sa larangan ng STEM, pagsasaayos sa kasalukuyang kurikulum upang paigtingin ang STEM subjects, at paghihikayat sa mga estudyante na kumuha ng kursong may kaugnayan sa siyensiya at teknolohiya.
Ayon sa isang pag-aaral ng Department of Science and Technology, nahihirapan ang mga mag-aaral na i-absorb ang mga siyentipikong konsepto, kung kaya higit na kailangan nating magtulungan sa pagtatatag ng mas marami pang science centers na makatutulong sa paghasa at paghubog ng science literacy levels at hihikayat sa mga mag-aaral na kumuha ng kursong may kaugnayan dito.
Dagdag pa, nararapat ding magbigay ng scholarship opportunities ang ating pamahalaan para sa mga mag-aaral na kukuha ng kursong may kaugnayan sa STEM, lalo pa at ang pag-aaral sa larangang ito ay napakamahal.
Ang mga developing country ay umunlad dahil higit nilang hinasa ang talento ng kanilang mga mamamayan sa siyensiya at teknolohiya. Ngayon, tinatamasa na nila ang bunga ng kanilang pinamuhunan.
Kakayanin ding umunlad ng Pilipinas katulad ng mga bansang ito kung ating huhubugin ang ating mga susunod na manggagawa sa siyensiya at teknolohiya. Kailangan na lamang natin itong aksiyunan.