STEPHEN SPEAKS: MAGSALITA KAYO NANG MAAYOS!

HETO na nga ang sinasabi ko, eh. May mga banyagang puti pa rin na ang pakiramdam nila ay ‘superior race’ pa rin sila.

Bakit ko sinabi ito? Tingnan na lang natin ‘yung insidenteng nangyari, ilang araw na ang nakararaan, kung saan iniyabang sa social media ng kilalang bandang Stephen Speaks sa kanilang umano’y ‘pag-areglo’ sa isang traffic enforcer sa pamamagitan ng kanilang kasikatan. Aba’y ipinost nila sa social media na nakalusot na matiketan ang drayber ng kanilang sasakyan na lumabag sa isang batas trapiko sa pamamagitan ng pag-selfie sa kanila na kasama ang nasabing traffic enforcer!

Ito kasi ang mahirap dito sa social media. Kung minsan kasi ay hindi nila namamalayan ang kanilang pinopost sa social media na hindi pala ito katanggap-tanggap sa publiko. Tulad na lamang sa ipinost ng bandang Stephen Speaks. Hindi ba nila inisip na sila ay dayuhan sa isang bansa at hindi nila masyadong alam ang kultura natin dito?

Para tuloy minamaliit ng bandang Stephen Speaks ang ordinaryong Pilipino. Lumalabas kasi na maaaring gamitin pala ang kanilang kasikatan upang makaiwas at makalusot sa mga batas natin dito.

Heto pa. Pilit pa nilang ipinagtatanggol ang kanilang aksyon, ng pinuna sila ng mga netizens sa kanilang ipinost.

Ipinaliliwanag pa nila na bakit sila ang pagtutuunan ng pagbabatikos samantalang marami raw na mga motorista sa atin ay lumalabag din sa ating batas trapiko. Aysus.

Kung sino man sa kanilang banda ang sumasagot sa social media, hindi uubra ang yabang ninyo dito. Nasa ibang bansa kayo, kaya dapat respetuhin ninyo ang batas at kultura dito. Pumunta kayo rito upang mag-concert at kumita ng pera. Pati ang mga turista na pumunta rito ay nirerespeto ang kultura at kaugalian ng Pilipino.

Sang-ayon ako sa inilabas na pahayag ng MMDA. Mariin nilang pinaalala na ang kasikatan, katanyagan, impluwensya at koneksyon sa awtoridad ay hindi maaaring gamitin upang makalusot sa paglabag ng ating batas.

Dagdag pa ng MMDA na ang pangyayari kung saan ang isang motorista na lumabag sa batas trapiko at pinalusot dahil may sakay-sakay na isang sikat na personalidad na iniyabang sa social media ay hindi dapat pamarisan.

Marahil ang iba sa atin ay minamaliit ang nasabing insidente. Subalit kapag ito ay isinawalang kibo, para na ring nayurakan ang dignidad natin bilang isang Pilipino.

Palagay ba ninyo kung nagkaroon ng parehas sa sitwasyon at nangyari ito kina Regine Velasquez at Sharon Cuneta sa ibang bansa at ipinagyabang nila ito sa social media, masasabi ba ninyo na katanggap-tanggap ito? Si Manny Pacquiao na sikat na sikat sa buong mundo ay hindi nag-post sa social media ng mga ganitong uri ng pang-aabuso dulot ng kanyang katanyagan.

Imbestigahan dapat ito ng MMDA. Iparamdam nila na walang lugar sa Pilipinas ang mga ganitong dayuhan na nagyayabang ng kanilang kasikatan.

Kaya, hoy Stephen, speak for yourself!