STL OPS SUSPENDIDO PA RIN

STL-2

NILINAW kahapon ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na nananatili pa ring suspendido ang operasyon ng kanilang gaming product na Small Town Lottery (STL).

Ang paglilinaw ay ginawa ni PCSO General Manager Royina Garma kasunod ng mga ulat na magbubukas nang muli ang STL ngayong araw, Setyembre 7, upang mabigyan ng trabaho ang mahigit 200,000 workers nito na na-displace dahil sa krisis na dulot ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ayon kay Garma, sa ngayon ay hinihintay pa nila ang pahintulot mula sa Office of the President (OP) hnggil sa rekomendasyong ‘adjustment’ sa Guaranteed Minimum Monthly Retail Receipt (GMMRR) na hinihiling ng mga STL Authorized Agent Corporation (AAC).

“Wala pa po magbubukas  na STL.  Waiting kami ng approval sa OP sa recommendation namin na adjustment sa GMMRR as requested by STL AAC,” ani Garma.

Aniya pa, umaasa silang maaaprubahan na ito kaagad at makababalik ang operasyon ng STL ngayong buwang ito.

Ang tinutukoy  ni Garma na adjustment ay ang pagpapababa sa minimum monthly remittance ng mga STL operator o AAC na kailangang ibigay sa gobyerno.

Paglilinaw naman ni Garma, pansamantala o hanggang Disyembre lamang ang pagbaba ng GMMRR dahil sa krisis na dulot ng COVID-19) at hanggang hindi pa naibabalik sa normal ang operasyon ng STL.

“Pero temporary lang ito, until December sana.  Ito kasi ang request nila (STL AACs),” sabi ni Garma. “Hopefully, ma-approve na.”

Matatandaang noong Marso, ipinasiya  ng PCSO na itigil din ang operasyon ng STL at iba pang gaming products ng PCSO, gaya ng lotto, 2 digit, 3 digit, Keno, Instant Sweepstakes at iba pa, kasunod ng pamiminsala ng COVID-19 sa Filipinas.

Kamakailan lamang ay nagpasiya ang PCSO na ibalik na ang operasyon ng lotto, Keno, instant sweepstakes, 2 digit at 3 digit, maliban sa STL, na nananatili pa ring suspendido hanggang sa kasaluku­yan. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.