BINIGYANG-DIIN ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pangangailangan na madagdagan ang supply ng bigas sa bansa sa pamamagitan ng pag-angkat.
Noong Martes ay inanunsiyo ni presidential spokesperson Harry Roque na ipinag-utos ni Pangulong Duterte ang malayang rice importation upang kahit tumaas ang presyo ng krudo ay magkakaroon ng access ang mga tao sa murang bigas.
Ayon kay Roque, ang desisyon na luwagan ang rice importation ay mag-aalis din sa kapangyarihan ng National Food Authority (NFA) na mag-accredit ng importers at tukuyin kung gaano karaming bigas ang dapat angkatin.
“The stomach come first. So the policy of the government is to keep the people, keep them away from hunger,” pahayag ni Duterte sa harap ng mga mamamahayag sa Davao City sa kanyang pagdating mula sa Bali, In-donesia kung saan dumalo siya sa ASEAN Leaders’ Gathering.
“So we have to import, whether we like it or not and we have to plan. But frankly, I do not think that we will be rice sufficient. I don’t know in the years to come. The problem is ‘yung mga large tracts of land have been converted into cash crop, export. Lahat ‘yan. So cash crop pati food crop.”
Sinabi ng Pangulo na nais niyang bumuo si Agriculture Secretary Emmanuel Piñol ng isang ‘formula’ na magbabalanse sa pangangailangan na umangkat ng bigas sa interest ng local rice producers.
“Maybe during harvest time or a later period after that. There must be space for the local products to be bought and consumed,” anang Pangulo.
Idinagdag pa niya na isinulong niya ang importasyon ng bigas makaraang lumutang ang isyu ng rice shortage, ilang buwan na ang nakalilipas.
“But would you believe it or not, it really happened and I was the first one who ordered the importation. Mayroong gusto, mayroong hindi [among Cabinet members]. And I said, look if your inventory is that high, you make it up there. Anyway, kakainin ‘yan, eh,” aniya.
Noong Miyerkoles ay sinertipikahan ng Pangulo bilang ‘urgent’ ang rice tarrification bill upang mapabilis ang pagpasa sa panukalang batas na makatutulong para mapababa ang inflation.