STOP THE HATE, APELA NG MMDA

Celine Pialago

MAKATI CITY – NANAWAGAN si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Asssitant Secretary at spokesperson Celinne Pialago na ihinto ang pagtuturuan sa lumalalang problema sa mass transportation system sa bansa.

Pahayag ni Pialago na ihinto na ang pagtuturuan at dapat ay magtulungan na lamang ang lahat para matugunan ang transportation issues.

“Can we stop the hate? Please, let’s stop the hate and let’s help each other para matugunan ho natin itong lahat,” ani Pialago.

Ayon kay Pialago sa kanyang palagay ay mas­yadong ‘mabigat’ ang pagtawag na ‘krisis’ sa nararanasan sa transportasyon.

Dagdag pa nito na kung ganito  ang nararamdaman ng mga mamamayan ay iginagalang naman ito ng MMDA.

Kasabay nito ay tiniyak naman  ni Pialago na may ginagawa ang gobyerno para tugunan ang problema.

Binanggit din ni Pia­lago na  walang kapangyarihan ang MMDA sa paggawa ng mga polisiya para solusyonan ang problema sa trapiko dahil kinakailangan pa itong aprubahan ng Metro Manila Council na binubuo ng mga alkalde ng Metro Manila ang kanilang mga suhestiyon.

Matapos maaprubahan ang isang polisiya, sinabi naman ni Pialago na puwede itong ihinto ng korte na isa pang ba­lakid sa MMDA.

Ayon kay Pialago na ilan sa mga polisiyang ipinatupad ng MMDA ngunit ipinahinto ay ang driver-only car ban at provincial bus ban sa EDSA. MARIVIC FERNANDEZ