STORAGE FACILITY NG COVID VACCINE SA MAYNILA HANDA NA

MALAPIT ng matapos ang itinatayong storage facility ng pamahalaang lokal ng Maynila para sa COVID vaccines.

Ayon kay Mayor Isko Moreno, ang nasabing storage facility sa Sta. Ana Hospital ay 90 porsiyentong tapos na at tiniyak na nakahanda na ito sa pagdating ng bakuna sa Maynila.

Ang nasabi ring ospital ang siya rin lugar kung saan matatagpuan ang Manila Infectious Disease Control Center at ang molecular lab kung saan ang mga resulta ng libreng free swab tests ay prinoproseso.

Sinabi pa ni Moreno, ang nabanggit na storage facility ay isa ring long-term investment kaya naisip na ipatayo ito dahil magagamit pa rin ito ng anim na city-run hospitals kahit wala ng pandemya.

Ang storage facility, ayon pa sa alkalde ay magagamit sa lahat ng uri ng bakuna na available sa merkado at kaya itong paglagyan ng isang milyong bakuna, bagaman inaasahan na by batches ang pagdating ng bakuna.

Maliban sa hindi na kinakailangan pang magrenta para paglagakan ng bakuna, sinabi ni Moreno na ang facility ay maari ring gamitin ng mga nasa medical field para sa mga item na kinakailangan ang uri ng temperatura na ibinibigay ng pasilidad.

“Manila will continue to help the national government to ease the burden and challenges… pwede natin itong ipahiram sa national hospitals if me allotment na ng bakuna at kulang o wala silang storage facility,” ayon kay Moreno.

Tiniyak naman ng alkalde na gagawin ng lokal na pamahalaan ang lahat upang makatulong na mabakunahan ang mas maraming tao sa maiksing panahon.

Dahil dito, muli itong nanawagan sa lahat ng mga taga-Maynila na magrehistro sa www.manilacovid19vaccine.com para sa mabilis na proseso sa sandaling available na ang bakuna sa lungsod.

“Para makabalik na sa trabaho ang mga tao at ang mga negosyo ay makaluwag-luwag at makabawi sa mga oportunidad na nawala at sa mga nawalan ng trabaho, para makagalaw na sila nang malaya at makahanap ng trabaho,” sabi pa ng alkalde. VERLIN RUIZ

Comments are closed.