STRAIN NG FLU BINABANTAYAN NG DOH

FLU-1

PINAG-IINGAT ng Department of Health (DOH) ang publiko laban sa trangkaso, na usong-uso sa mga buwan ng Enero at Pebrero, na pa­nahon ng taglamig sa bansa.

Ayon kay Health Undersecretary at spokesperson Dr. Eric Domingo, bagamat lumitaw sa kanilang rekord na bumaba ang mga kaso ng flu sa bansa ngayong taon ay hindi pa rin ito dapat na ipagwalang bahala.

Aniya, mahigpit nilang binabantayan ang strain ng flu sa bansa para sa gagawin nilang pagbabakuna laban dito sa kalagitnaan ng taon.

“Binabantayan natin kung ano iyong strain at talagang by middle of the year nagbabakuna na tayo. Sa Filipinas ang peak lang talaga ng flu-like ill-nesses itong panahon ng malamig,” ayon kay Domingo.

Sinabi ng DOH na ang trangkaso ay kaiba sa pangkaraniwang ubo at sipon dahil may kaakibat itong mataas na lagnat at pananakit ng ka­lamnan  na tumatagal ng ilang araw.

Paalala pa ng DOH, ang iba’t ibang strain ng flu ay nakahahawa, kaya’t dapat pag-ingatan ng publiko ang kanilang kalusugan.

Payo pa ng DOH, kung tinamaan na ng trangkaso ay dapat na maging maingat at magtakip ng bibig kung uubo o babahing upang hindi maikalat ang virus.

Babala pa ng DOH, maaaring magdala ng kumplikasyon o makamatay ang flu virus kung hindi ito kaagad na malapatan ng kaukulang lunas.

“Ang nakatatakot lang kasi na gusto nating ma- prevent iyong mga flu na nagkakaroon ng complication. Kasi maaari siyang mauwi sa pneumonia at of course maaaring in the end makamatay,” ani Domingo.

Aniya, upang makaiwas sa flu ay dapat na palakasin ang ating immune system.

Mas makabubuti umano kung iinom ng maraming fluid gaya ng orange juice at anim hanggang walong baso ng tubig araw-araw.

Dapat ring magkaroon ng sapat na tulog, o mula anim hanggang walong oras, mag-ehersisyo at kumain ng mga gulay at prutas.

“Make it a habit to wear face mask especially when in crowded places or when travelling to avoid contracting flu virus,” payo pa ni Domingo.

Pinayuhan din ng DOH ang mga magulang na tiya­king ang kanilang mga anak ay mabibigyan ng kumpletong bakuna upang maprotektahan sila la-ban sa trangkaso.

Maging ang mga se­nior citizen naman ay maaari umanong magpabakuna ng libre sa mga barangay health center at sa mga DOH accredited hospital. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.