STRAWBERRY TEA SANDWICH

STRAWBERRY TEA SANDWICH

Simpleng pagkaing masarap pag-saluhan

(ni CT SARIGUMBA)

MARAMI sa atin na kapag kakaiba ang pangalan ng isang recipe o pagkain, iniisip kaagad nilang mahirap itong gawin at mahal. Pero hindi lahat ng pagkaing maganda sa pandinig ang pa­ngalan ay masasabi na nating nakabubutas ng bulsa ang presyo at mahirap gawin o lutuin. Dahil maraming pagkain o putahe pa ring may magaganda o kakaibang pangalan pero abot-kaya naman sa bulsa at kahit na nasa bahay ka lang, puwedeng-puwede mong lutuin.

Likas na nga sa ­ating mga Pinoy ang pagkahilig sa matatamis na pagkain. May ilan pa nga na hindi nabubusog lalo na kapag hindi nakakakain ng dessert pagkatapos mag-agahan, tangha­lian o kaya naman ay hapunan. Kaya naman, hindi na nakapagtataka ang samu’t saring café at sweet shops na nagkalat saan ka man mapalingon.

Pero hindi rin naman puwedeng bili lang tayo nang bili. Mas mainam at mapasasarap natin ang inihahanda sa pamilya kung mismong tayo ang naghanda nito.

Mahirap ang mag-isip ng mga putaheng magugustuhan ng pamilya at swak sa budget. Sa araw-araw na pag-iisip natin, kung minsan ay kinatatamaran na nating magdiskubre ng iba’t ibang lutuing ihahanda sa buong pamilya.

Bukod sa main dish, hindi rin siyempre nawawala sa ating kinahihiligan ang merienda o dessert. At dahil nga mahilig sa dessert tayong mga Filipino, isa sa swak subukan ay ang Strawberry Tea Sandwich.

Maraming klase ng sandwich ang puwede nating subukan na pani­guradong maiibigan ng buong pamilya. Pero kagaya ng ibang sandwich, masarap din at simpleng gawin ang Strawberry Tea Sandwich. Swak na swak din ito sa panlasa ng bagets. Alam naman nating pihikan ang mga bata kaya’t dapat na inihahanda natin sa kanila ay mga pagkaing sa hitsura pa lamang ay matatawag na ang kanilang atensiyon. Kagaya na nga lang ng merienda na gagawin natin ngayon—ang Strawberry Tea Sandwich.

Ang mga sangkap na kakailanganin sa paggaawa ng kakaiba at masarap na sandwich ay ang 4-6 na slice ng whole-grain (wheat) sandwich bread, tanggalin ang crusts o gilid, 2 tbsp whipped cream cheese, 1 tbsp ng honey at strawberries (depende sa ‘yo kung gaano karami), hugasan ang mga ito saka hiwain ng naayon sa laki.

PARAAN NG PAGGAWA NG STRAWBERRY TEA SANDWICH

Matapos na maihanda ang lahat ng mga kakailanganing sangkap, tustahin lang ang tinapay at hatiin ito sa gitna.

Pagkatapos, lagyan ng cream cheese sa ibabaw. Ilagay ang strawberries at i-drizzle ang honey sa ibabaw.

Maaari rin itong i-partner sa mainit na gatas, kape o tea. Puwede ring pambaon ni bunso sa eskuwela o ‘di kaya’y pang meryenda sa iyong mga amiga o bisita.

Simple lang pero talaga namang sa sarap, hindi ka ipapahiya. Panigurado ring babalik-balikan ito ng kahit na sinong makati-tikim.

Simpleng putahe o dessert man ang hanap natin, hindi na natin kailangan pang mamroblema kung saan bibili. Dahil kahit na nasa bahay lang, puwedeng-puwede tayong gumawa ng kakaibang dessert na sa pangalan pa lang, matatakam ka na.

Kaya sa mga mommy riyan na nag-iisip nang puwedeng ipakain sa pamilya, subukan na ang Strawberry Tea Sandwich. Simpleng pagkaing masarap pagsaluhan. (photos mula sa thenovicechefblog.com, copymethat.com at pinterest)

Comments are closed.