(Street food vendor sa edad na kinse) PAGHAHANDA SA KINABUKASAN

vendor

SA gilid ng daan ng Barangay Marasat Grande, San Mateo, Isabela, isang labing limang taon na dalagita ang namataan ng Pilipino Mirror na  nagtitinda sa isang waiting shed ng mga pagkaing street food, kwek-kwek, cheese roll at palamig.

Kinausap ko ang dalagita na kung maa­ring makapanayam si­ya na agad namang nagpaunlak. Si Angela Jenny Taylan,15-anyos, residente ng naturang lugar, mag-aaral at isang grade 8  student sa isang pribadong paaralan.

Tinanong ko ang dalagita habang nalalako ng panindang street food kung bakit sa murang edad at kailangan nitong magtinda.

Samantalang, ang ibang katulad niyang mga dalagita ay namamasyal kasama ang kanilang mga kaibigan at kabarkada na siyang dapat na nararanasang kasayahan bilang isang nagdadalaga.

Isang ngiti ang namutawi sa kanyang labi, sabay ang katagang bilang isang anak ay kaila­ngan tumulong sa kanyang Ina upang sa araw-araw na pamumuhay ay mairaos nila ang mga gastusin sa tulong ng pagtitinda ng  kwek-kwek, cheese roll at palamig.

Ayon sa kanya ang halagang P1,000 bilang puhunan sa kanyang inilalakong street food sa araw-araw ay nauubos naman at kahit papaano ay tumutubo siya at ang iba ay itinatabi niya upang sa darating na pasukan ay mayroon silang gagastusin ng iba pang niyang kapatid.

Samantala, ang kanyang ina ang siyang nagluluto ng kanyang panindang street food.

At habang walang  online class si Jenny ay nakakatulong ito sa kanyang magulang.

Bukod pa rito nalilibang din umano siya sa paglalako bukod sa mayroon na siyang regular na mga suki ay dumarami pa ang kanyang mga kaibigan bukod sa kanyang mga kamag-aral sa online class.

Hindi rin nahihiya si Jenny na maging isang street food vendor dahil bukod sa nakatutulong siya sa kanyang magulang,  nakaiipon pa siya para sa mga panga­ngailangan sa paaralan.

Hindi na kailangan pang humingi sa kanyang ina sa pang-araw araw na gastusin nilang magkapatid. IRENE GONZALES

113 thoughts on “(Street food vendor sa edad na kinse) PAGHAHANDA SA KINABUKASAN”

Comments are closed.