SA halip na walis, rehas na bakal ngayon ang hinihimas ng 38-anyos na street sweeper nang mahulihan ng shabu na nagkakahalaga ng P1,020,000.00 at baril sa itinayong checkpoint sa Quezon City nitong Miyerkules ng madaling araw.
Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Eastwood Police Station (PS12) Chief Lt. Col.Christine Tabdi, ang suspek na si Anthony Vivero,residente ng Addition Hills, Quezon City.
Batay sa report, bandang ala- 1 ng madaling araw nang maaresto sa checkpoint ng PS12 ang suspek sa Calle Industria sa kanto ng Manggahan, Bagumbayan, QC.
Nagsasagawa umano ang mga tauhan ng PS12 ng checkpoint at nang pahintuin ang sinasakyang Yamaha Mio ng suspek upang beripikahin ang mga dokumento ng motorsiklo ay nadiskubreng hindi ito rehistrado at peke pa ang lisensiya ng rider.
Dahil dito, pinabuksan ng mga pulis ang laman ng sling bag ng suspek at doon ay bumungad sa mga awtoridad ang 150 gramo ng shabu, glass tube pipe na may marijuana, .9mm Norinco pistol na may limang bala.
Inihahanda na ang kasong mga paglabag sa R.A. 9165 o the Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at RA 10591 o The Comprehensive Law on Firearms and Ammunition habang inisyuhan rin ng Violation Receipt (OVR) ang suspek sa pagmamaneho ng walang lisensiya at unregistered motorcycle. EVELYN GARCIA