IKINASA na ni Pasig City Mayor Vico Sotto ang proseso para sa regularisasyon at dagdag sahod para sa mga street sweeper o ang tinatawag na silent worker.
Sa isinasagawang flag raising ceremony ngayong Lunes, inihayag ng alkalde na bagaman hindi pa nari-regularize sa trabaho ang mga street sweeper ay nagkaroon naman ang mga ito ng karagdagang suweldo.
Ayon pa kay Sotto, tungkulin ng lokal na pamahalaan na makapagbigay ng trabaho na may sapat na kita para sa mga manggagawa ng lungsod.
Kasabay nito, pinasalamatan na rin ni Sotto ang mga sweeper na nagpapanatili ng kaayusan at kalinisan sa lungsod.
“’Yung mga sweepers natin, ‘yung mga kawani na ito ang “silent workers” ng ating lungsod. Kayo ‘yung nagpapanatili ng kaayusan at kalinisan na madalas, hindi natin napapasalamatan eh, hindi namin kayo napaparangalan,” pahayag ng alkalde.
“Ini-expect lang natin na laging malinis ang ating paligid pero kung hindi dahil sa inyo eh ‘di hindi mananatili ang ating kaayusan at kalinisan ng ating lungsod,” dagdag pa ni Sotto.
Kaya’t bilang pagkilala sa kanilang serbisyo, tinaasan ng lokal na pamahalaan ang sahod sa mga ito at sa iba pang mga manggagawa upang magkaroon ng seguridad sa trabaho.
Nangako rin si Sotto na ilalayo niya ang mga manggagawa sa politika na kahit na sino pa ang maluklok bilang susunod na alkalde ay mananatiling ang mga ito sa kanilang trabaho .
“Sa ganu’ng paraan man lang, mabigyan kayo ng seguridad. Meron po kayong tinatawag na ‘security of tenure’ sa inyong trabaho na ma-regularize natin lahat ng pwede nating i-regularize,” pagtitiyak ng punong lungsod.
“‘Yung lagi ko pong sinasabi na ilayo kayo sa politika na dapat kahit sino ang nakaupong mayor, kahit ano ang mangyari sa politika, safe lang kayo sa inyong trabaho. Basta nagtatrabaho ng maayos ‘yun ang layunin natin dito,” dagdag pa ng alkalde.
Aniya, maraming manggagawa ang nasa salary Grade 1 status ang naitaas at kasalukuyan namang itinataas ang pasahod sa mga volunteer status na layon ng lokal na pamahalaan na gawing P10,000 mula sa P5,000 suweldo ng iba pang mga manggagawa.
Inalam din ng alkalde ang kabuuang bilang ng mga empleyadong naka-ATM card upang mas mapadali at hindi ma-delay ang pagpapasahod sa mga ito.ELMA MORALES
Comments are closed.