MAHIGIT 200 empleyado sa Pasig City, karamihan ay mga street sweeper, ang makakakuha ng dagdag sahod, ayon kay Mayor Vico Sotto.
Sa flag-raising ceremony ng lokal na pamahalaan noong Lunes, inihayag ni Sotto na 215 pang empleyado mula sa City Environment and Natural Resources Office (CENRO) at Solid Waste Management Office (SWMO) na ang kasalukuyang suweldo ay P5,000 o P8,000 ang tatanggap ng suweldong P12,000 sa kada buwan.
Sinabi ni Sotto na nagtatrabaho ang mga ito ng walong oras sa isang araw. “Marami sa kanila ay street sweeper, makakatulong ito para mapunan ang kulang sa mga eskenita at HOA (homeowners’ association),” pshayag ni Sotto sa Facebook post.
Hindi ito ang unang pagkakataon na tinaasan ng Pasig City government ang suweldo ng mga manggagawa nito sa pamumuno ni Sotto.
Noong Enero, mahigit 4,000 kaswal na empleyado ng LGU ang tumanggap din ng mas mataas na suweldo mula sa dating P11,551 hanggang P13,572 bawat buwan.
Mahigit 300 medical volunteers sa lungsod na tumanggap din ng pagtaas ng suweldo mula P5,000 hanggang P12,000 ngayong taon.