STRESS-FREE SHOPPING IDEAS

SHOPPING IDEAS

DAHIL “ber” months na, ngayon pa lang ay marami na sa atin ang aligaga.  Ang iba, namimili o nag-iisip na ng swak na mga regalo para sa kanilang mahal sa buhay.

Habang papalapit nga naman ng papalapit ang holiday, marami sa atin ang excited at nais nang simulan ang pamimili. Mahirap din naman kasing makipagsiksikan. At dahil may kamahalan ang mga bilihin sa panahon ngayon, marami rin sa atin ang nag-aabang na ng promo o sale para makatipid.

At dahil marami sa atin ang tiyak na magsa-shopping ngayong papalapit na holiday, narito ang ilang shopping ideas na maaari ninyong subukan para hindi kayo gaanong mapagod o ma-stress:

GUMAWA NG LISTAHAN NG MGA KAKAILANGANIN AT BIBILHIN

SHOPPING IDEASListahan, isa ito sa nararapat nating gawin para wala tayong makaligtaan. Ang paggawa ng listahan ng mga bibigyan ng regalo at kung anong regalo ang swak sa kanila ay makatutulong para hindi mahirapan sa pamimili o sa pakikipagsiksikan.

Pagsama-samahin din sa listahan o dapat magkakasunod ang mga taong magkakapareho ng regalo. Halimbawa, marami kang inaanak at pawang laruan ang mga gusto mong ibigay, ilista iyon ng magkakasunod nang sa pagpunta mo sa toy section, mabibili mo na o mapipili ang lahat ng kakailanganin mo roon. Magandang teknik iyan para mapadali ang pamimili at hindi pabalik-balik sa isang lugar o section.

Siguraduhin ding mapakikinabangan ang lahat ng iyong bibilhin. May ilan din kasi na kahit na ano ay binibili basta’t masabi lang na may ibinigay siya o regalo.

MAMILI NG MAS MAAGA

Para rin makaiwas sa siksikan, mas maganda kung maagang mamimili. Kumbaga, huwag sumabay sa dagsa ng tao. Kung sasabay kasi sa marami, maaaring mahirapan sa pamimili at baka pangit pa ang mabiling regalo sa pagmamadali.

Maaari ring mainis at mabuwisit dahil sa dami ng tao. Kaya hangga’t maaari, maaga pa lang ay mamili na at huwag nang hintayin ang magtanghali dahil tiyak na darami na ang magsisitungo sa mall o mga bilihan kapag ganoong oras.

Para rin naman hindi mabigatan sa mga bibil­hing regalo, maaari rin namang mamili ng pautay-utay. Kumbaga, kahit na malayo pa ang Pasko o holiday, kung may nakitang sale na maganda at swak naman sa pagbibigyan, bilhin na kaagad ito. Huwag nang maghintay na mag-holiday dahil baka mawala ang item o damit na nakita.

IWASAN ANG PAGTUNGO SA MALL KAPAG GUTOM

Isa rin sa kailangang iwasan ang pagtungo o pamimili sa mall kapag gutom. Kasi kung gutom ka nga naman, magma­madali ka sa pamimili para lang makakain o makahanap ng makakainan. Kung minsan tuloy ay naaapektuhan nito ang iyong mga bibilhin. Mai-stress ka rin kapag nagmamadali ka.

Kaya dapat nating tandaan, siguraduhing may laman ang tiyan kung magtutungo o mamimili sa mall nang hindi magmadali at mainis.

IWASAN ANG PAMIMILI KAPAG PAGOD

Isa pa sa dapat nating iwasan sa pagsa-shopping ay kapag pagod tayo. Dahil gaya rin ng pagiging gutom, mas madali tayong maiinis at mai-stress sa pamimili. Maaari ring dahil pagod na tayo kung ano ang makita natin ay iyon na ang kaagad nating bibilhin at hindi maisasaalang-alang kung maganda ba ito at mapakikinabangan natin o ng taong ating pagbibigyan.

Sa pamimili nga naman o pagsa-shopping ay napakaimportante na mapakikinabangan ito ng pagbibigyan bukod sa ikatutuwa nila.

MAG-CHECK SA ONLINE

SHOPPING IDEASUsong-uso na nga­yon ang pamimili at pagbebenta sa online. Kaya kung walang panahon at ayaw makipagsiksikan sa maraming tao, magandang ideya rin ang pag-o-online shopping. Siguraduhin lang na ang mga bibilhan ay iyong mapagkakatiwalaan at hindi manloloko. Bago rin kunin ang isang produkto, alamin muna ang laki nito at kung maganda ba at matibay ang pagkakayari. May mga ibinebenta rin kasi sa online na maganda sa picture pero taliwas naman kapag nakita mo na. Kaya bago bilhin ang isang bagay o damit, kilatisin muna ito. Huwag ding mahihiyang magtanong sa nagbebenta kung maganda ba ang aktuwal na produkto. Maaaring tanungin ang klase ng tela—manipis ba ito o makapal. O kung gaano ito kalaki. Kadalasan kasi, lalo na kapag online shopping, free size ang mga ibinebenta nilang produkto. Pero si­yempre, kahit na free size ito, kailangang malaman mo pa rin ‘yung range ng laki o liit nito. Mayroon kasing free size na kasya lang sa small to medium. Mayroon din namang kasya mula medium to ekstra large.

Hindi maiiwasan kapag holiday ang mainis lalo na sa pagsa-shopping o pamimili ng mga panregalo at gamit para sa sarili. Kaya para makaiwas sa stress at pagod, subukan ang mga ideyang nakalista sa itaas. CT SARIGUMBA

Comments are closed.