STRESSED SA NEGOSYO? SUBUKAN ANG 5 TIPS NA ‘TO!

homer nievera

LAHAT ng uri ng negosyo ay may kaakibat na hirap kung nais mong umangat. Parte na ito ng buhay ng isang entrepreneur, ‘di ba?

Pero lahat naman din ng problema ay ay may solusyon, basta pagtutuunan  mo ng pansin at oras. Kaya naman dapat, harapin mo rin ang iyong ka-lusugan upang mas lalo mong matutukan ang pagsasaayos ng iyong negosyo.

Narito ang limang tips ko upang maging mas exciting pa ang pagnenegosyo mo. Tara!

#1 Meditasyon

Ang isang partner ko sa negosyo ay halos kabaligtaran ko. Ako kasi, mabilis ma-excite at kakambal nito ang mabilis na pag-init ng ulo kung may mga bagay na dapat na solusyunan na ng isang tao namin pero iniaakyat pa sa akin (bilang CEO). Kaya nang tanungin  ko kung bakit tila ‘di siya nai-stress, eto ang sabi niya – meditasyon!

Ganito raw ang ginagawa niya. Una, maghanap ng isang lugar na tahimik. Maaaring umupo lang at alisin ang lahat ng iniisip. Kapag may papasok na bagay sa isipan, alisin kaagad ito (‘wag pansinin lang). Huminga nang malalim – mag-inhale at mag-exhale – at binibilang ito hanggang sa maka-10 beses ka. Gawin ‘yan  sa loob ng limang minuto. Kung kulang pa, ulitin lang. Mabilis itong makaaalis  ng stress. Gawin ito araw-araw.

#2 Ehersiyo

Ang pisikal na pag-ehersiyo ay kaakibat na rin ng meditasyon. Dahil na rin ang paggaalaw ng ating katawan ay natural na nakaaalis  ng stress. Kaming mag-asawa ay nag-invest sa isang mamahaling  treadmill para lang masigurong gagamitin namin ito ng araw-araw at pang-matagalan. Ang target ay 30 minutong paglalakad  sa treadmill araw-araw. Kung umabot ka ng 1 oras, mas mainam. Pero siyempre, mas mura ang maglakad-lakadsa labas ng bahay sa ganoon ding oras. Maaarawan  ka pa! Kung ikaw naman ay mag-workout sa isang gym, gawin mo. Ang mahalaga ay ang maituon ang iyong oras sa pag-ehersiyo dahil nakapagpapatibay rin ito ng katawan laban sa stress.

#3 Project Planning

Bukod sa mga gawaing pangangatawan, narito naman ang pagplano ng mga gawain sa pagnenegosyo mula sa project planning. Ang lahat ng gawain sa opisina ay maaari namang mapagplanuhan, di ba?

Kung sisimulan mo ang pagtingin sa mga gawain bilang proyekto at lalagyan ng mga laang oras sa paggawa rito, at mai-assign sa ibang tao ang mga gawain, mas maiibsan ang stress.

Magplano nang mabuti at ang buhay ay bubuti.

#4 Kumain ng Masustansiyang Pagkain

Maraming guilty ng tinatawag na ‘stress-eating’  ‘di ba? ‘Yung pagnai-stress, idinadaan sa kain. Kaya ayun, ang tataba. Kaya sa dulo, nai-stress ang katawan sa paglaban nito sa ‘di masustansiyang  pagkain.

Maging conscious sa pagkain, lalo na sa gulay na dapat daw ay 60 porsiyento  ng iyong diet sa isang araw. Iwasan ang matatamis at maraming kanin na nagiging asukal din kapag ‘di nasunog ng katawan. Ayaw natin na sa huli, ma-stress ang iyong bulsa sa gamot at pagpapaospital, ‘di ba?

#5 Pagdarasal at Pagkakaroon ng Ispirituwalidad

Anuman ang iyong relihiyon o paniniwala, ang pagdarasal ang pinakamahalagang parte ng pag-alis ng stress. Ang paniniwalang hindi  lang ikaw ang dapat inaasahan ay isang malaking bagay upang mawala ang stress sa negosyo man o sa buhay.

Ako, sa bawat araw ay inuumpisahan ko ng “One-on-One with God.” Naglalaan ako ng mga 30 minuto na pagdarasal. ‘Yung kami lang ng Diyos. Ang tawag ko nga rito ay “Breakfast with God.” Yung may hawak akong isang tasa ng kape at pandesal at nag-uusap kami sa umaga sa harap ng altar sa aking tahanan. Lahat ng bagay-bagay ay pinag-uusapan namin. Subukan mo ‘to. ‘Di lang mawawala ang stress, mawawala rin ang pinagmumulan nito. Mas focused ka pa at positibo sa buong araw.

o0o

Si Homer Nievera ay isang digital evangelist at founder ng Negosentro.com na tumutulong palawigin ang kaalaman sa internet at teknolohiya para maiangat ang kabuhayan ng mga Filipino. Kung may katanungan, magpadala ng mensahe sa email@negosentro.com.

One thought on “STRESSED SA NEGOSYO? SUBUKAN ANG 5 TIPS NA ‘TO!”

Comments are closed.