‘STRIP SEARCH’ SA BICUTAN JAIL SISIYASATIN NG BJMP

KASALUKUYANG iniimbestigahan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang umano’y ‘strip search’ sa mga kaanak ng mga bilanggo na dadalaw sa Metro Manila District Jail Annex 4, sa Camp Bagong Diwa, Bicutan City.

Nauna rito, dumulog sa Public Assistance and Complaints Desk ng Commission on Human Rights (CHR) ang isang Bona Fides Lucania.

Batay sa kanyang reklamo, nagtungo siya sa naturang jail facility nitong Enero 8 para bisitahin ang nakakulong na ama.

Pinapasok umano siya sa isang kuwarto na wala man lang kurtina o takip kung saan ipinahubad umano ang kanyang pang itaas na damit para matiyak umano na walang nakatago itong ilegal na kontrabando.

Ayon sa CHR, nakakabahala ang ganitong proseso ng body search.

Tiniyak naman ni BJMP spokesperson Jail Chief Inspector Jayrex Bustinera na gagawa sila ng kaukulang mga hakbangin laban sa mga taong mapapatunayang sangkot dito.

“If any irregularities are found to have occurred during the search process at MMDJ-4, the BJMP will not hesitate to take appropriate action against those found to be responsible,” ayon kay Bustinera.

“We are currently conducting an investigation into the matter and will take appropriate measures based on the findings,” giit ng opisyal.

Binigyang-diin ni Bustinera na nananatili ang commitment ng BJMP na tiyakin ang kaligtasan at seguridad ng lahat ng mga taong nasa kanilang kustodiya, gayundin ang karapatan at dignidad ng mga taong bumibista sa kanilang mga pasilidad.

“We assure the public that we will always take immediate necessary steps to address issues in our jail facilities,” dagdag pa ng BJMP official.

Una nang sinabi ng CHR na iimbestigahan nila ang natanggap na reklamo hinggil sa pagsailalim sa strip search ng mga taong nais bumisita sa kanilang mga kaanak na bilanggo. EVELYN GARCIA