STRONG PNP PARA SA MAHIHINA AT MARALITA

CAMP CRAME – ISANG matatag at may dignidad na Philippine National Police (PNP) ang pangarap ni Lt. Gen. Camilo Pancratius Cascolan, ang kasalukuyang Deputy Chief for Operations.

Noong ito ay nagsilbi bilang director ng National Capital Region Police Office (NCRPO) mula Abril  2018 hanggang Hunyo 2018, kanyang inihayag sa isang panayam na una sa kanyang paglilingkod bilang pinakamataas na opisyal ng Metro Cops ang mga mahihina at maralita.

“Pro-poor and pro weak ako… kasi sila  (maralita at mahihina) ang mas nangangaila­ngan ng tulong ng kagaya na­ming pulis… kung may pumasok sa tanggapan ko na nakatsinelas lang, siya ang una kong kakausa­pin,” ayon kay Cascolan.

Kasabay ng pagli­lingkod sa mamamayan ay nais ni Cascolan na pagbigkisin ang nasa 195,000 tauhan ng PNP upang maging malakas para sa epektibong serbisyo sa mamamayan at kasabay niyon ay ang pangarap niyang ma­ging malinis mula sa alegas­yon ng korupsiyon ang kaniyang kinaaanibang organisasyon.

Kaya naman bilang hepe ng operasyon sa PNP ay bumalangkas siya ng panuntunan para maging epektibo ang kanilang internal cleansing na naglalayong maibalik ang tiwala ng mamamayang Filipino at ni ­Pangulong Rodrigo Duterte.

Si Cascolan ay produkto ng Philippine Military Academy (PMA) Sinagtala Class of 1986 at batay sa kaniyang curriculum vitae, halos mabuo niya ang bahagdan ng career bilang isang mahusay na opisyal ng PNP dahil noong magtapos ay ­unang na-assign sa Parang, Maguindanao bilang junior officer/platoon leader  Special Action Company at sumunod ay sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao hanggang Visayas kung saan nahinog ang kanyang kaalaman sa operasyon kaakibat ng maraming parangal.

Nang magsilbing hepe ng Taguig Police noong 2008 hanggang 2010 ay humakot din ng medalya at parangal si Cascolan.

Pinakahuling para­ngal na natanggap ni  Cascolan ay ang Award for Continuing Excellence  and Service (ACES 2019) ng Metro Bank Foundation habang recipient din siya ng Country’s Oustanding Police in Service  (COPS 2015), Metrobank Foundation. EUNICE C.

Comments are closed.