Nanawagan ang isang partylist group kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Bise Presidente Sara Duterte na tugunan ang krisis sa mental health sa kabila ng kalunos-lunos na pagpapakamatay na diumano’y nagmumula sa pagkabalisa na may kaugnayan sa pagtatapos o graduation sa Catarman, Northern Samar.
Ayon sa The Pillar, ang opisyal na student publication ng University of Eastern Philippines (UEP), ang hindi pinangalanang estudyante ay natagpuang wala nang buhay sa kanyang tinutuluyan dakong alas-2:30 ng hapon nitong Biyernes, eksaktong sa araw ng graduation.
Habang iniimbestigahan pa ang sanhi ng pagkamatay, may nakitang suicide note sa loob ng kanyang silid.
Ayon kay Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel, hindi kakayanin ng bansa na patuloy na pumikit sa daan-daang kabataang na kinitil ang buhay ng mga pang-akademiko at pang-ekonomiyang panggigipit ng lipunan ngayon.
“Panahon na para sa Marcos-Duterte admin na bigyang-pansin ang umiiral na mental health crisis at pag-usapan ang mga ganitong uri ng insidente upang agad na gumawa ng isang pambansang aksyon,” patuloy nito.
Nangyari ang insidente sa araw ng ika-62 commencement exercise ng UEP noong Biyernes.
Inirerekomenda ni Manuel na dapat isama sa patuloy na pagsusuri sa sistema ng edukasyon ng EDCOMM 2 at K-12 review ng DepEd na ang sistema ng edukasyon ng bansa ay makatao.
“Isang mainit na yakap sa lahat ng mga kabataan na kasalukuyang humaharap sa bawat isa sa kanilang mga personal na hamon. Umaasa kami na mas maunawaan natin ang isa’t isa at ang ating mga sarili,” dagdag ng solon.
“Ipaglaban natin ang isang kinabukasan kung saan ang kabataan ay hindi kailangang mawalan ng buhay para lamang sa pangangarap.”
Samantala, isang Facebook page na tinatawag na “LET Reviewers for New Curriculum” ang nagbahagi ng diumano’y kopya ng nasabing suicide note.
Sa nasabing liham, humingi ng paumanhin ang estudyante sa kanyang ina at ama dahil sa hindi ito nakasama sa mga nagsipagtapos.
“All this time I was lying and I don’t know how else I should tell you. I’m so sorry for dissapointing you and everyone.
“Mahal na mahal ko kayong lahat. Please. I hope you would forgive me. I’m sorry for dissapointing you all. Please don’t shed a lot of tears for me for I don’t deserve any of it,” nakasaad pa sa suicide note.
Nakatakdang maghain ng resolusyon sa Kamara ang Kabataan Partylist matapos ang konsultasyon sa mga mental health advocates at organisasyon, na humihimok sa administrasyong Marcos na imbestigahan ang mental health crisis sa bansa.
Hinihimok ng Department of Health ang mga taong naghahanap ng propesyonal na tulong na makipag-ugnayan sa mga hotline ng National Center for Mental Health sa 0917-899-USAP (8727) o 899-USAP (8727); o ang hotline ng Mind Matters nito sa 09189424864. RIZA ZUNIGA