STUDE NAMATAY SA SUNOG

LAGUNA- NAMATAY ang isang estudyante matapos masunog ang kanilang bahay nitong Lunes ng madaling- araw sa Laguna Buenavista Executive Homes, Barangay Barandal, Calamba City.

Kinilala ni Calamba City Police chief Col. Melany Martirez ang biktima na si Louie Antipuesto, 22-anyos at residente ng nabanggit na lugar.

Ayon sa pahayag ng Bureau of Fire and Protection ng Calamba city, nag-iisa umanong natutulog ang biktima sa kuwarto nito sa ground floor ng kanilang bahay habang nasa ikalawang palapag naman ang ina ng biktima at tatlong iba pa nang makarinig ang malakas na sigaw ni Antipuesto na humihingi ng tulong sa nasusunog nitong kuwarto.

Mabilis umano silang bumaba sa ground floor at puwersahang binuksan ang pinto ng silid ng binata subalit sinalubong sila ng makapal na usok at naglalagablab na apoy.

Agad silang lumabas ng bahay sa takot na ma-trap at naiwan sa loob ng bahay ang biktima.

Mabilis din naman naapula ang sunog subalit patay na ang biktima na nasa ilalim ng kamang tinutulugan nito.

Inaalam pa ng pamunuan ng Bureau of Fire ang sanhi ng naturang sunog. ARMAN CAMBE