PAMPANGA- ARESTADO sa entrapment operation ng mga tauhan ng PNP Anti-Cybercrime Group ang 21-anyos na estudyante matapos tangkain na mangikil sa kapwa estudyante sa Plaza Burgos sa Guagua sa lalawigang ito.
Kinilala ni ACG Cyber Response Unit Chief Col. Jay Guillermo ang inaresto na si alyas Josh, 21-anyos, residente ng Sta. Rita, Pampanga.
Sa reklamo ng 18-anyos na babaeng biktima, magka-chat sila ng suspek sa Facebook messenger na gumamit ng dummy account at nakumbinsi na magpadala ng mga maseselang larawan.
Laking gulat ng biktima nang pinagbantaan ng suspek na ipapakalat ang mga larawan at videos kapag hindi siya nagpadala ng pera sa pamamagitan ng GCash.
Hawak na ng awtoridad ang suspek na nahaharap sa kasong grave coercion, paglabag sa Republic Act 9262 o Violence Against Women and Children Act, Republic Act 9995 o Anti-Photo and Video Voyeurism Act of 2009 at Republic Act 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012.
EUNICE CELARIO