STUDE TINARAKAN NG BAGETS

Saksak

VALENZUELA CITY – NASA malubhang kalagayan ang isang 17-anyos na estudyante matapos saksakin ng kapwa menor at tangayin ng suspek at tatlo nitong kasamahan ang mga bisikleta ng dalawang kaibigang teenager ng biktima sa lungsod na ito.

Ang biktima na patuloy na inoobserbahan  sa Valenzuela Medical Center (VMC) ay si alyas Rus, estudyante, ng Panghulo, Obando, Bulacan habang dinala sa pangangalaga ng Child Protection Center ng Valenzuela City ang sumaksak sa biktima na 17-anyos at tatlong kasama nito na nasa edad 15 hanggang 17.

Lumabas sa inisyal na ulat ng pulisya, naganap ang insidente alas-10:25 kamakalawa ng gabi sa Decena Street, Brgy. Arkong Bato, Valenzuela City.

Sakay ng bisikleta ang biktima kasama ng mga barkada nang harangin ng pangkat ng suspek.

Sa puntong ito ay bigla na lamang pinagsasaksak ng suspek ang biktima na iniuwi muna ng mga kaibigan bago isinugod sa San Lorenzo Ruiz Women’s Hospital sa MH Del Pilar Street, Brgy. Santulan, Malabon City kung saan siya nilapatan ng paunang lunas bago inilipat sa VMC.

Itinakbo naman ng kasama ng suspek ang mga bisikleta ng dalawa pang kasama ng biktima na nabawi nang masakote ang mga suspek. EVELYN GARCIA

One thought on “STUDE TINARAKAN NG BAGETS”

Comments are closed.