PATAY ang isang 17-anyos na estudyante matapos mahulog mula sa itaas na bahagi ng gusali ng San Beda College, Alabang nitong Huwebes ng tanghali.
Ayon sa Muntinlupa City police, ang biktima ay isang Grade 12 student na nakatira sa BF Homes, Parañaque City.
Base sa report ng pulisya, nangyari ang insidente dakong alas-12:05 ng tanghali sa isang gusali ng San Beda College Alabang.
Napag-alaman sa tagapamahala ng canteen sa nabanggit na eskwelahan na nakita niya ang pagkahulog ng biktima mula sa itaas na bahagi ng gusali nang maiparada nito ang minamanehong sasakyan sa harapan mismo ng gusali.
Agad nitong inireport ang insidente sa nabanggit na eskwelahan kung saan tinulungan siya ng isang school nurse at mabilis na dinala ang biktima sa Asian Hospital and Medical Center ngunit huli na ang lahat matapos ideklarang wala na itong buhay dakong ala-1:16 ng hapon.
Patuloy naman ang pagsasagawa ng imbestigasyon ng lokal na pulisya upang malaman kung mayroong foul play sa naturang pagkamatay ng biktima.
Kaugnay nito, naglabas naman ng pahayag ang San Beda College Alabang sa pagkamatay ng biktima.
“This afternoon, February 9, 2023, an unfortunate incident involving one of our students unfolded on campus, leading to the loss of one precious life. This incident all came as a shock to our community. No words could describe the pain we feel as we try to comprehend why such a thing happened. Our prayers are with the deceased’s family as we stand with them and offer profound sympathy,” ani Fr. Gerardo Ma. De Villa, rector at presidente ng kolehiyo.
Dagdag pa ni De Villa, kasalukuyang nakikipag-ugnayan sila sa mga imbestigador sa naturang pangyayari at iminumungkahi ng naturang eskwelahan na bigyan ng respeto ang privacy ng pamilya sa panahon ng kanilang pagdadalamhati.
“We cannot foresee how this incident may affect each of us. At this critical moment, we urge everyone to remain calm and trust in the healing power of Our Lord Jesus Christ,” ani pa De Villa. MARIVIC FERNANDEZ