STUDES NAHIRAPAN SA FACE TO FACE CLASSES

NAHIRAPAN  sa unang linggo ng pagsasagawa ng limitadong face to face classes ang ilang mga estudyante mula sa pampublikong paaralan.

Ayon sa Department of Education (DepEd), lumabas sa kanilang isinagawang assessment na 18 sa 56 na paaralang nagsumite ng kanilang weekly report ang nagsabing hindi marinig nang maayos ng mga mag-aaral ang sinasabi ng mga guro dahil sa face mask.

Habang nasa 17 paaralan ang nagsabing hindi makita nang malinaw ng mga estudyante ang nakasulat sa blackboard dahil sa physical distancing.

Sa kabila ng mga ito, sinabi ni Education Secretary Leonor Briones na naging masaya ang mga guro, magulang at lokal na pamahalaan sa pagbabalik ng face to face classes.

Samantala, ayon pa kay Briones ang muling pagbubukas ng mga paaralan sa Metro Manila ay nakadepende sa risk assessment at willingness ng Local Chief Executive ng mga lungsod.

Samantala, posibleng sa susunod na taon pa masimulan ang face to face classes sa mga pribadong paaralan sa Metro Manila.

Ayon kay Secretary Briones, kailangan munang makuha ang consent ng mga LGU gayong mayroon pang mga alkalde na nagdadalawang-isip sa pagbabalik ng limited in-person classes.

Sa ngayon, nasa 120 paaralan pa lamang sa buong bansa, ang pinayagang makapagsagawa ng limited face-to-face classes, na bahagi ng pilot phase nito.