DAHIL sa patuloy na pagtaas ng kaso ng dengue sa bansa ay nakikipag-ugnayan na ang Department of Health (DOH) sa Department of Education (DepEd) upang payagan ang mga estudyante na magsuot ng pantalon para maprotektahan laban sa lamok.
Kadalasang nangangagat ang mga lamok na nagdadala ng dengue tuwing umaga kung kailan nasa paaralan ang mga bata.
Karaniwang kinakagat ng mga lamok ang binti at braso na hindi protektado ng anumang damit.
Samantala, naitala ang 160,000 dengue cases, kabilang ang 661 namatay dahil dito.
Ayon kay Health Undersecretary Eric Domingo, ito na ang pinakamataas na bilang ng dengue na naitala nila sa loob ng limang taon.
Mas mataas aniya ito ng 98% kumpara sa mga kaso na naitala nila sa kahalintulad na petsa ng nakaraang taon.
Batay sa tala ng DOH-Epidemiology Bureau, may 12,880 kaso ng dengue ang naidokumento nila mula Hulyo 21-27 lamang, sanhi upang umakyat na sa 167,606 ang kaso ng dengue na naitala mula noong Enero 1.
Nabatid na pinakamaraming naitalang kaso ng sakit sa mga lalawigan ng Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Que-zon), Mimaropa (Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan), Bicol, Central Visayas, Western Mindanao, Western Visayas, Eastern Visayas, Northern Mindanao at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, (BARMM) habang masusi na ring mino-monitor ng DOH ang National Capital Region at Ilocos Region.
Inaasahan naman ng DOH na lalo pang darami ang mga taong dadapuan ng dengue dahil ang peak season nito ay ngayong Agosto pa lamang.
Maaari rin aniyang magpatuloy pa ito hanggang sa Oktubre at Nobyembre at tuluyan na lamang bababa pagsapit ng Disyembre.
“The peak of dengue starts in August and this will go on in September, October and November. It will start to decrease in De-cember,” ayon kay Domingo. ANA ROSARIO HERNANDEZ
DAGDAG NA PONDO LABAN SA DENGUE, HINILING
Hiniling ni Bayan Muna Rep. Ferdinand Gaite sa Kamara ang pagpapasa ng panukala para sa dagdag na pondo para sa preven-tion ng sakit na dengue.
Giit ni Gaite, kailangang magpasa agad ng panukala para sa dagdag na pondo ang Kamara upang matutukan ang tinatawag na national dengue epidemic na nararanasan ngayon.
Higit sa lahat dapat na unahin at pagtuunan ng pansin ang mga lugar na expose o nakapagtala ng mataas na rate ng dengue.
Iginiit pa nito ang pagpapalakas sa health care system upang hindi na maulit ang ganitong epidemic sa bansa sa hinaharap.
Pinare-review rin ng kongresista ang mga polisiya ng DOH upang epektibong mapuksa ang tumataas na kaso ng dengue.
Naniniwala ang kongresista na hindi sagot ang planong pag-restore ng Dengvaxia para maiwasan ang dengue, kundi dapat ay pangmatagalang solusyon para sa lahat.
“Ang tingin ng Makabayan, hindi silver bullet ito at nabanggit na ng iba’t ibang expert. Hindi nakakatulong sa pagpapababa ng dami ng kaso ng dengue (Dengvaxia). Talagang pangmatagalan ang solusyon preventive. Ang ating mamamayan dapat may proto-cols na ginagamit. Those expose sa dengue sila ang dapat bigyan,” ani Gaite. CONDE BATAC
Comments are closed.