NAGLAAN ang lokal na pamahalaan ng Parañaque ng P300-milyong halaga para sa gadgets ng mga estudyante ng elementarya gayundin para sa kanilang mga guro upang makasunod sa ‘bagong normal na edukasyon’ na sisimulan itong taong kasalukuyan.
Ayon kay Parañaque City Mayor Edwin L. Olivarez, bukod sa ipamimigay na gadgets ng lokal na pamahalaan ay inaprubahan din ng lungsod ang P200-milyong alokasyon para sa pamamahagi naman ng P6,000 taunang allowance ng 16,000 estuyante ng junior at senior high school sa pagsisimula ng klase sa darating na Agosto ngayong taon na ito sa gitna ng krisis na idinudulot ng pandemya ng coronavirus disease o COVID19.
Sinabi ni Olivarez na mamamahagi ang lokal na pamahalaan ng 7,000 tablets sa mga kinder at Grade 1 na estuyante sa lungsod habang 300 piraso naman ng laptops ang ipagkakaloob sa mga guro ng public school na kung saan ang pondo na gagamitin para dito na nagkakahalaga ng P300-milyon ay kukunin sa special education fund (SEF) ng lungsod.
Sinabi ni Olivarez na ipinagbigay alam sa kanya ng mga opisyales ng Department of Education-Paranaque na gagamit na sila ng ‘distance learning’ sa pamamagitan ng modular instruction itong school year 2020-2021.
Nagpahayag naman ng suporta si Olivarez sa plano ng Department of Education (DepEd) ang paglilipat ng tradisyonal na harapang pagtuturo sa klase patungo sa tinatawag na ‘blended learning’ dahil na rin sa banta na idinudulot na pandemya ng COVID-19. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.