STUDES SA SENIOR HIGH PINATITIYAK NA DI MADI-DISPLACE

PINATITIYAK  ni Senador Chiz Escudero sa Commission on Higher Education at Department of Education na walang madi-displace na estudyante matapos ang phase out ng Senior High School program sa state universities (SUCs) at local universities and colleges (LUCs).

Bagaman may legal na basehan ang pagtigil ng SHS program sa mga SUC at LUC, sinabi ni Escudero na dapat tiyakin na “walang estudyante ang maiiwan.”

“Bagama’t legal ang hakbangin ng CHED, mahalaga pa rin na matiyak natin ang kapakanan ng ating mga estudyante sa senior high school. Walang dapat na maiwan at mahalaga rito na nag-uusap ang CHED at DepEd,” iginiit ni Escudero.

Sinabi rin ni Escudero, na namumuno sa Committee on Higher, Technical and Vocational Education, na dapat mahigpit na subaybayan ng DepEd sa pamamagitan ng mga regional office nito kung may mga estudyanteng nanganganib na ma-displace kapag hindi na dapat mag-alok ng SHS program ang SUCs/LUCs.

Inilabas ng CHED ang isang order noong Disyembre 18 kung saan hindi na papayagan ang mga papasok na senior high school na mag-enroll sa mga state universities. LIZA SORIANO