(Studes sasanaying maging entrepreneurs at digital leaders) ‘E-COMMERCE TRACK’ SA SENIOR HIGH

ISANG bagong track ang idadagdag sa curriculum ng senior high school ng Department of Education na naglalayong magbigay ng kasangkapan sa mga mag-aaral na maging “Filipino entrepreneurs and digital leaders”.

Ang bagong track ay tutuon sa mga kasanayang kailangan ng mga mag-aaral sa larangan ng digital marketing, supply chain at logistics, data analytics, online security computer system.

Nilagdaan kahapon ng  DepEd, Department of Trade and Industry (DTI) at Thames International School ang isang memorandum of agreement para sa pagsasama ng ‘e-commerce track’ sa senior high school education.

Sinabi ni DepEd Secretary Sonny Angara na makakatulong ito sa mga mag-aaral na makahanap ng in-demand na trabaho kapag sila ay nakapagtapos ng senior high school.

“Isa ito sa utos ng ating Pangulo, na bigyan natin ng trabaho, bigyan natin  ng ating pag-asa ang ating mga kabataan. Pero bago natin sila bigyan ng trabaho, bibigyan natin sila ng karanasan, kailangan natin bigyan sila ng kaalaman, at iyan ang trabaho ng DepEd,” pahayag ni Angara sa kabyang talumpati sa naganap na signing ceremony.

ELMA MORALES