KUNG mayroon mang kinatatamarang gawin ang marami sa atin, iyan ang pag-eehersisyo. Sino nga naman ang maglalaan ng panahong mag-exercise lalo na kung kaliwa’t kanan ang kailangan nating tapusin o gawin. Ang iba nga, pati gabi ay ginagawang araw matapos lang ang kailangang tapusin.
Sa rami nga rin naman ng nakaatang na responsibilidad sa bawat mag-aaral o indibiduwal, kung minsan ay halos mahilo na tayo kung ano ang uunahin o tatapusin kaagad.
Ngunit sabihin man nating nakatatamad o hate na hate ng marami sa atin ang pag-eehersisyo, napakarami nitong benepisyo sa katawan na kailangan nating isaalang-alang.
Sa pamamagitan nga naman ng pag-eehersisyo ay napalalakas nito ang ating katawan at isipan.
Lumabas din sa ilang pag-aaral na ang ang ilang minutong pag-eehersisyo ay nakapagpapataaas ng abilidad ng utak at natutulungan din nitong mapabalis ang pagkatuto.
At para mapabilis ang isipan at matutunan kaagad ang leksiyon o kailangang aralin at malaman na rin ang benepisyo ng pag-eehersisyo hindi lamang sa estudyante kundi maging sa kahit na sino, narito ang ilang tips na maaaring subukan:
AEROBIC BOOST
Para magkaroon ng brain power, isa sa mainam gawin ay ang pagbibigay sa utak ng aerobic boost. Ibig sabihin, mainam ang aerobic exercise para mag-boost ang brain power na nakatutulong upang mapabilis ang pag-pick up o ang pagkatuto.
Nakapagpapa-improve din ito ng memory at maging ang ability sa pag-iisip.
Hindi mo naman kailangang buong araw na mag-ehersisyo para lang gumana ng maayos ang iyong isipan. Hindi rin aabot ng ilang oras. Kumbaga, fifteen minutes lang ay mapai-improve mo na ang iyong memorya. Kaya’t gumalaw-galaw at huwag tatamad-tamad nang isipan ay gumana at ‘di tutulog-tulog.
MAG-WORK OUT SA PAGITAN NG PAG-AARAL
Maaari rin namang gawin ang pagwo-workout sa pagitan ng pag-aaral.
Mainam kung sa pagitan ng pag-aaral ay titigil sandali para mag-workout. Ilan sa puwedeng gawing ehersisyo ay ang jogging na hindi umaalis sa kinatatayuan. Ang jogging in place ay mainam para mabawasan ang taba sa katawan. Gayunpaman, nakatutulong din ito upang ma-stimulate ang iyong utak o isipan.
Bukod sa jogging in place, maaari rin ang paglalakad-lakad o kahit na anong intense physical movement. Habang gumagalaw ka kasi ang katawan ay nai-stimulate din nito ang ating isipan.
HABANG PINAGPAPAWISAN, NABABAWASAN ANG NADARAMANG STRESS
Nakababawas din ng nadaramang stress ang pagpapapawis. Kaya naman kung stress, mainam ang pag-eehersisyo o paggalaw-galaw.
Kung minsan sa rami ng kailangang aralin ng isang estudyante, hindi niyan maiiwasang makaramdam ng stress. Sino nga naman ang hindi mai-stress kung hindi ka magkandaugaga sa pag-aaral ng leksiyon.
At sa ganitong mga pagkakataon o panahon, mainam ang pag-eeherisyo para maibsan ang stress na nadarama. Kung hindi ka nga naman gaanong stress mas madali mong matatandaan ang iyong inaaral.
NAKAPAGPAPATAAS NG ENERGY LEVEL
Marami sa atin ang tinatamad mag-ehersisyo. Kung ano-anong dahilan din ang naiisip para lang hindi matuloy o magawang mag-ehersisyo.
Hindi nga rin naman kasi maiiwasang tamarin tayo sa pag-eehersisyo lalo na kung wala naman tayong kasama. At paano pa kung marami tayong ginagawa o kailangang aralin.
Pero sa kabila ng marami sa atin na ayaw na ayaw ang mag-ehersisyo, hindi pa rin natin maitatanggi ang kabutihan nito sa bawat indibiduwal.
At isa na nga sa kabutihang naidudulot ng pag-eeherisyo ay napatataas nito ang energy level ng isang tao.
Kaya naman kung tinatamad-tamad ka o wala kang ganang gumalaw-galaw, mainam ang pag-eehersisyo nang mawala ang pananamlay o panlalambot ng pakiramdam.
Mainam din itong gawing regular nang matiyak ang malusog na pangangatawan. CS SALUD
Comments are closed.