STUFFED SQUID: SWAK PAGSALUHAN NG BUONG PAMILYA

STUFFED SQUID

(Ni: CHE SARIGUMBA)

SA TUWING magsasama-sama ang buong pamilya, kadalasan ay nag-iisip tayo ng mga lutuing puwede nating pagsaluhan na makapagpapaligaya sa atin. Hindi nga naman lahat ng magkaka-pamilya ay may mga panahon o nakapagba-bonding. Dahil sa samu’t saring gawain at obligasyong kailangang unahin, kahit na sa iisang bubong lang sila nakatira ay halos hindi pa magkakitaan o kaya naman, hindi sila nakapag-uusap.

Kaya’t sa tuwing may panahong ang bawat miyembro ng pamilya o nagkakasama-sama sila, nag-iisip sila ng mga paraan upang maging kata­ngi-tangi ang kanilang bonding. At isa nga sa madalas na ginawa ng magkakapamilya ay ang pagsasalo-salo.

Pagkain, isa nga naman iyan sa hindi natin puwedeng ipagwalang bahala.

Lahat tayo, mahilig kumain. At lahat din tayo, masasarap kung kumain. Kumbaga, ayaw nating basta-basta na lang ang ihahandang pagkain lalo na kung kompleto ang buong pamilya.

Dahil nga sa kahiligan nating kumain, maraming Filipino rin ang masasarap kung magluto.

May ilan ding nakapag-iimbento ng kakaibang lutuin para sa buong pamilya.

Ang iba naman, mas napasasarap ang mga simpleng recipe.

Sa mga nag-iisip ng ihahanda sa buong pamilya na masarap at madali lang gawin, isa sa maaari ninyong subu­kan ang stuffed squid.

Kadalasan, sa mga restaurant natin na-o-order ang ganitong putahe. Kapag tiningnan mo kasi, parang ang hirap-hirap na nitong lutuin o gawin. Para ngang komplikado pa ang pagluluto nito kaya’t karamihan sa atin ay iniisip kaagad na mahihirapan siyang magluto nito.

Gayunpaman, napakadali lang lutuin ng Stuffed Squid. Oo nga’t kapag tiningnan mo ito ay tila napakahirap nitong lutuin pero kabaliktaran iyon.

Simple lang gawin ang Stuffed Squid at kahit na nasa bahay ka lang, mapi-perfect mo ang paggawa nito.

Ang mga sangkap na kakailanganin natin sa paggawa nito ay ang squid, chopped tomatoes, chopped onions, luya na hiniwa-hiwa rin ng maliliit, calamansi juice, toyo, patis, asin at paminta, cooking oil at kaunting sugar.

Paraan ng pagluluto:

Ihanda na ang mga kakailanganing sangkap. Gayundin ang kasangkapang gagamitin.

Pagkatapos ay lini­sing mabuti ang squid. Kapag nalinis na ay patuluin ito.

Kapag nakatulo na, ibabad na ito sa toyo, kaunting asukal, paminta at calamansi juice.

Para manuot ang lasa sa squid, hayaang nakababad ito ng dalawang oras o higit pa. Ilagay ito sa ref.

Ihanda naman ang stuffing. Sa paghahanda nito, pagsamahin lang ang chopped tomatoes, onions, luya, patis, asin at paminta.

Pagkalipas ng dalawang oras o higit pa, maaaring i-drain na ang  squid saka ilagay na  ang tomato-onion-ginger mixture.

Pagkatapos ay pahiran ito ng kaunting mantika saka i-grill. Huwag sosobrahan ang pagluluto nang hindi tumigas o kumunat.

Sa paghahanda naman ng sauce, puwede mong pagsamahin ang toyo, chili pepper, bawang at kalamansi juice.

Simpleng-simple lang, may kakaiba ka na namang maihahanda sa iyong buong pamilya.

Hindi lang sa restaurant natin puwedeng kainin ang stuffed squid dahil kahit sa bahay lang, kayang-kaya natin itong gawin.

Kaya i-upgrade na ang mga putaheng inihahanda sa buong pamilya at subukan ang Stuffed Squid. Siguradong sa presentasyon pa lang nito, gaganahan na silang kumain. At kapag nalasap pa nila ang sarap ng iyong inihanda, tiyak na mapararami ang kanilang kain. Siyempre, kapag maraming nakain ang ating pamilya, ligaya naman ang hatid niyon sa atin lalo’t tayo ang nagluto.

Marami ang nagsasabing hindi nila kayang magluto ng kakaiba at masasarap na putahe. Mali iyon.

Kumbaga,  kasinungalingan ang ganoon. Kasi kung talagang gusto mong maghanda ng masarap para sa iyong pamilya, gagawa at gagawa ka ng paraan.

Kaya’t huwag matakot na magluto. Huwag matakot na mag-imbento ng iba’t ibang lutuing magpapangiti at magpapabusog sa buong pamilya. (photo credits: creativemarket.com, pepper.ph, epicurious.com)

Comments are closed.